Abante Tonite Interactive

Malayong masarili ng Grab ang RS

By
323

Kung aaprobahan ng LTFRB ang apat pang ride sharing (RS) service companies, malayong masarili ng Grab ang negosyong ito taliwas sa pangangamba ng iba kasunod ng pakikisanib ng Uber sa Grab kamakailan.

Ngunit, saganang atin, masasarili ng Grab ang transport network companies (TNCs) kapag pinalawig pa ng isang taon ang pag-aproba o pagbibigay ng prangkisa sa apat na nakaabang na kakompitensya ng Grab.

Ayon sa kaibigan nating si Atty. Aileen Lizada, na isang board member ng LTFRB, ang apat na nag-apply ng prangkisa ay ang mga sumusunod: Pira, Lag Co, Owto at Hype.

Saganang atin, at kawangis ng pangangamba ng isang international consumer commission, nararapat lamang na ‘wag patagalin ang prangkisa ng mga nabanggit na TNCs.

Ito ay upang maiwasan ang monopolyo sa naturang serbisyo.

Dahil kung mananatiling ang Grab lamang ang maga-grab sa mga pasahero, ay t’yak na pagsasamantalahan nito ang riding public dahil nga sa wala itong pa­ngamba na maunahan o makalaban sa mga pasahero.

Idagdag pa natin riyan ang mga tradisyunal na taxi service na kadalasan ay nauuwi sa pango­ngontrata at pamimili ng pasahero.

Mainam na pag-aralan agad ng LTFRB ang apat na TNCs at isa-isa na nitong ipagkaloob ang prangkisa ng mga ito.

‘Ika nga, the more, the merrier.

At paniguradong sasaya ang riding public nito sa kadahilanang marami silang pagpipilian.

Maliban pa riyan, magpapagandahan ng serbisyo ang mga ito kung kaya’t papabor pa rin ang ganito sa publiko na silang nagbibigay buhay sa alin mang negosyo meron ang bansa.

Kung agree kayo, sumulat lamang sa 2015motorista@gmail.com. Kung hindi naman, ipaalam niyo rin ang inyong saloobin.