Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Malayong tingin ng mga boksingero

0 326

NAPAKASARAP manood ng professional boxing kung ikaw ay isang ordinaryong tagahanga lamang lalo pa at kampeyonato ang labanan at isang boksingerong Pilipino ang nakikipaglaban.

Tulad ng isang ordinaryong boksingero na nangangarap maging kampeon at maging tanyag sa buong mundo ay ganito rin kalayo ang pananaw ng isang ordinaryong miron lamang sa naturang palakasan.

Napakarami na sa ating mga kababayan ang sumikat sa larong ito at ilan sa kanila sina Gabriel ‘Flash’ Elorde, Nonito Donaire at ang pambansang kamao na ngayon ay isa ng Senador na si Manny Pacquiao.

Wala namang nagsimula sa pagiging boksingero na naingganyo dahil nais magbigay ng karangalan sa bansa maliban sa hindi nila natanggihan ang kaway ng kikitaing premyo na mag-aahon sa kanilang kahirapan.

Halos 90 porsiyento ng mga nagsimula sa pagiging boksingero ay nagmula sa mga lugar na sobra ang hirap na dinaranas at wala silang pagkakataon na makapag-aral para abutin ang kani-kanilang mga pangarap.

Napakaliit lamang ng porsiyento ng mga naging boksingero na kaya pumalaot sa larong ito ay dahil nais lamang gayahin ang kanilang idolo o dahil anak din ng isang boksingero.

Sa pagsisimula ng isang boksingero ay hindi nito nakikita ang mga negatibong aspeto tulad ng maaari silang mamatay sa pamamagitan ng isang suntok lamang dahil hinihele sila ng malayong pangarap na maging isang kampeon.

Ayaw kong pahinain ang loob ng mga kabataang nais maging sikat na boksingero ngunit nais ko lamang ipakita sa kanila ang kabilang banda ng larong nais nilang subukan upang kahit paano ay magkaroon sila ng pagkakataong mag-isip bago mahuli ang lahat.

Una ay ang long-term effect nito mula sa tinamong injury mula sa mga cross, uppercut o jab na tumama sa ulo ay maaring humantong sa brain diseases tulad ng Alzheimer’s at Parkinson’s disease na nang nangyari kay Muhammad Ali bago siya namatay.

Posible rin ang pagkakaroon ng body injury tulad ng broken ribs, internal bleeding, at iba pa na humahantong sa matinding epekto paglipas ng ilang panahon at maging ang utak ay apektado rin na humahantong naman sa depresyon at pagpapatiwakal.

Karaniwan na ang natatanggalan ng ngipin kahit na may suot na mouthguard ang isang boksingero at dahil sa lakas ng suntok ay naaalog ang bungo na kalaunan ay naapaktuhan na ang pagsasalita.

Karaniwang sinasapit ng isang boksingero ang pisikal na damage tulad ng concussions, cuts, dislocation of shoulders, carpal bossing, at maraming klase ng fractures.

Sa ngayon ay marami namang sumikat na boksingero ang hindi naman kinakitaan ng masyadong pisikal na damage ngunit karaniwan ay hindi na maayos na gumagana ang kanilang motor skills.

Ayon sa datos, nasa 13 boksingero ang nasasawi kada taon sa buong mundo dahil sa paglalaro ng boksing dulot ng blunt force trauma o internal bleeding na hindi gaanong nabibigyang pansin ng media.

May mga pag-aaral din na ang larong boksing ay higit umanong delikado kumpara sa ibang contact sports tulad ng Mixed Martial Arts (MMA) dahil may pagkakataon umanong puwedeng mag-tap ang mga ito para huwag mabalian ngunit pinagdedebatehan pa ito hanggang sa kasalukuyan.

Bukod din kasi sa mismong pakikipaglaban ng isang boksingero ay karaniwan na rin sa mga ito ang nagsasagawa ng sparring ng ilang ulit bago ito makipaglaban na nakakadagdag pa sa injury ng mga maliliit na ugat sa kanilang ulo.

Ang lahat ng ito ay hindi naman agad nakikita ng isang nais maging kampeon sa boksing dahil lubhang napakalayo ng kanilang tingin at hindi nila alintana ang mga balakid at disgrasyang ito.

Hindi rin naman masamang maging boksingero kung nais mong sumikat, yumaman, maging kampeon at maging despalinghado pagdating ng panahon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.