Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Malaysian dinagit ng 2 dayuhan

0 329

Arestado ang isang Indonesian at Malaysian national na kidnapper habang nasagip ang bihag nilang Malaysian national sa entrapment operation ng mga tauhan ng Philippine Natioanl Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) Martes ng hapon sa Angeles City, Pampanga.

Kinilala ni Police Brig General Jonnel Estomo, director ng PNP-AKG ang naarestong sina Rano Herman, Indonesian at Ong Way Plak, Malaysian habang nasagip sa kamay ng mga ito ang biktima nilang si Lee Jun Sheng, isang Malysian national na dinukot ng dalawa noong Mayo 16.

Ayon kay Estomo, humingi ng tulong sa kanilang tanggapan si Office of the Representative from Embassy of Malaysia, Consul Abdul Samad Ismail hinggil sa ransom money na 12,000 RMB (Renminbi) para sa kalayaan ng biktima.

Alas-3:00 ng hapon nang magkasundo ang mga suspek at ang may dala ng ransom money na magkikita sa SM Clark, Malabanias sa Angeles City, Pampanga pero lingid sa kaalaman ng mga ito ay isang entrapment operation na ang ikinasa ng PNP-AKG dahilan ng pagkaaresto sa dalawang dayuhan habang nakatakas ang Pinoy driver ng mga ito.

Sa interogasyon sa mga suspek ay nalaman ng awtoridad na itinago nila ang kidnap victim sa 1416 4th Floor, Dormitory 1, Sun Valley, Angeles, Pampanga na agad namang nasagip.

Dinala ang mga suspek sa Mabalacat Police Station para sa dokumentasyon at itinuloy na sa PNP-AKG Headquarters sa Camp Crame upang doon ikulong at sampahan ng kaso. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.