Abante Tonite Interactive

Malditang female personality may bagong biktima sa airport

0 1,234

PALAGING laman ng mga blind items ang isang kilalang female personality. Walang ibang kuwento ang mga pitik-bulag kundi ang pagiging maldita niya at sumpungin.

May sariling mundo kuno ang babaeng personalidad, makikipag-usap lang siya sa kanyang mga kasamahan kapag maganda ang kanyang mood, pero kapag hindi ay wala siyang kahit sinong kinakausap.

Kailan lang ay isang grupo ng mga balikbayan ang nagkuwento nang walang labis at walang kulang, totoong-totoo raw na maldita nga ang hindi na bagets na female personality, dahil nakasabay nila sa eroplano ang aktres-komedyana.

Kuwento ng aming source, “Naku, totoo ‘yun! Sa ibang bansa kasi, e, napapanood din namin ang mga shows niya, nagsu-subscribe kami sa network kung saan siya lumalabas.

“Siyempre, kilala namin siya ng mga anak ko, kaya nu’ng makasabay namin siya sa flight, e, nagplano kaming makipag-selfie sa kanya! E, hindi naman namin alam na meron na palang mga blind items dito tungkol sa kamalditahan niya!

“Humanap kami ng tiyempo, hindi naman kasi puwedeng mag-request sa kanya nang may ginagawa pa siya, di ba? So, nu’ng nasa waiting area na kami, naka-settle na kaming lahat, e, nag-try kaming lumapit sa kanya.

“Naku, nakasimangot naman siya! Parang pasan niya ang buong mundo! Talagang nanunulis ang nguso niya, nakakunot ang noo niya!

“Nu’ng lumapit na sa kanya ang isang anak ko para mag-request ng selfie, e, sinadya niyang kumuha ng magazine sa handcarry bag niya! Hindi niya pinansin ang anak ko!

“Basa lang siya nang basa kunwari ng magazine na hawak niya! So, bumalik na ang anak ko sa bench namin, inis na inis siya, madlita raw pala ang babaeng ‘yun!

“Kasi nga, nu’ng tumalikod na ang daughter ko, e, hindi naman siya nagbabasa, nakasimangot lang siya! Nu’ng boarding time na, e, nakasabay namin siya, hindi na namin siya pinapansin, dahil nakasimangot pa rin siya!

“Totoong maldita siya! Akala mo naman wala nang katapusan ang popularity niya! Naku, wala na rin kaming panahon para sa kanya, hindi na namin pinanonood ang show niya, banned na siya sa amin!” mahabang kuwento ng balikbayan naming kaibigan.

May pahabol pang tanong ang aming kaibigan, “Paano kaya siya napagtitiyagaan ng karelasyon niyang foreigner?”

‘Yun na!

Serye ni Alden nakaiinip ang haba ng mga commercial

TEXT na isang kaibigan namin nu’ng isang gabi, “Nakakakita na si Sep!” Ang aming sagot, “Mismo! Nanonood din ako, nakakabanaag na siya!”

Bago ‘yun ay sadyang pinatid ng mga inutusan ng ama ni Jared ang kanyang tungkod, sumunod naman ang isa pa na nagtulak kay Sep, kaya nagpagulung-gulong siya sa hagdan ng ospital.

Pero sa halip na masaktan na naman nila si Sep ay naging maganda ang resulta ng kanyang pagkahulog, biglang nakakabanaag na siya, nakikita na niya ang mga tao sa kanyang paligid.

Natural, ganu’n na lang ang kaligayahan ng kanyang lola at ina, dahil nagbabalik na ang paningin ng Pambansang Bae sa kanyang papel bilang isang bulag.

Nagbubunyi ang mga kaibigan namin, lagot daw ang pamilya ni Jared, dahil makalalaban na nang patas ngayon sa kanila si Sep.

Pero may inaalala ang kaibigan naming si Liza na kapag binigyan mo ng exam tungkol sa The Gift ay mahigit pa sa isandaang porsiyento ang makukuhang grado.

“Naku, baka kaya nila binibilisan ang mga eksena, e, dahil tatapusin na ang The Gift! Huwag naman sana! Pakisabi naman sa mga scriptwriters ng show na huwag nilang tatapusin agad ang show ni Alden Richards!

“Sana, tumakbo pa nang mahaba ang programa, pakisabi naman sa kanila!” pagsusumamo ng aming kaibigan.

Mahaba pa ang tatakbuhin ng serye ni Alden Richards dahil kung minsan ay nakaiinip ang haba ng mga commercials ng kanyang programa.

Kapag ganu’n ay humahaba pa ang buhay ng palabas, suportado kasi ng mga patalastas, na pinagkukunan naman ng network ng pangsuweldo sa kanyang mga artista, staff at crew.

Panalo!