Abante Tonite Interactive

Malditang opisyal ng Palasyo isinuka ng mga staff

HULAAN BLUES

332

Mukhang nasobrahan sa confidence itong isang director ng Malacañang dahil sa halip na matuwa sa kanya ay kinaiinisan ngayon ng mga empleyado.

Paano naman kasi, gusto niyang pakialaman lahat ang mga trabaho kahit alam niyang may nakatoka nang iba dito.

Noong siya pa ang may hawak ng isang opisina sa Palasyo ay hindi niya maayos-ayos at iniwanan ang trabaho, pero ngayong naayos na ay kinuha ulit na para bang siya lang ang magaling.

Ang siste dito kay director, feelingera at gustong akuin lahat kahit may ibang opisyal na nakatoka sa isang trabaho.

Pakitang-gilas itong director pero ampaw naman kapag nakaharap sa mikropono.

At heto pa mga utaw, para ipakitang “mighty” itong si director, inisa-isa ang dapat gawin ng mga staff sa pamamagitan ng memo gayong higit pa doon ang trabahong ginagawa ng mga tao sa ilalim nito. Susme!

Clue: Ang opisyal na ito ng Malacañang ay na-relieve noon sa puwesto dahil pinirmahan ang promosyon ng isang tao na hindi naman siya dapat pumirma. Kung ‘di ba naman sadyang atribida, sukat pakialaman ang trabaho ng iba!

May letrang “N” sa pangalan at apelyido at katunog ng kila­lang pintor ang kanyang pa­ngalan.