Abante Tonite Interactive

Male-female performer purdoy na

By
2,058

NAGSASABI kaya ng totoo o may lihim na galit lang sa isang male-female performer ang nagpapakalat ng kuwentong naghihirap na siya ngayon? Male-female ang paglalara­wan sa singer dahil dalawang katauhan na ang meron siya ngayon.

Babae siya na may mga ipinagawang pro­seso sa kanyang kata­wan para maging lalaki siya. Pinaninindigan na niya ngayon ang pagiging lalaki. Sa isip at puso niya ay machong-macho na siya ngayon at hinubad-inilibing na niya ang pagiging anak ni Eva.

Sabi ng isang source, “Dati, siya ang tinatawagan para mag-perform. Marami siyang offers, hindi na nga niya matanggap lahat ‘yun dahil iisa lang naman ang katawan niya.

“Pero baligtad na ang situation ngayon, siya na ang tumatawag sa mga bookers para ihanap siya ng show. Spell M na siya ngayon. Kunsabagay, bakit nga hindi magiging matindi ang pangangailangan niya, e, bibihira na lang siyang mag-perform ngayon!

“Bayaran man siya ng magandang presyo, e, napakadaling maubos ng pera. Ilang tulog lang, ubos na ang kinita niya, kailangan niya na namang kumayod para magkalaman ang kaban niya.

“Sayang ang performer na ‘yun. Napakalaki na ng name niya dito at sa ibang bansa, pero lumipad pa ang opportunity, dahil wala siyang focus. Hindi niya alam kung ano ang uunahin niya, wala siyang listahan ng mga priorities niya,” madiing kuwento ng impormante.

May isang provincial show na tinanggap ang male-female performer. Nasa kontrata na kapag hindi natuloy ang show ay ibabalik niya ang fifty percent ng ibinigay na downpayment sa kanya. Hindi nga natuloy ang kompromiso niya, kailangan niyang isauli ang kalahati ng tinanggap niyang deposito para sa pagtatanghal, pero wala siyang maibalik.

“Nag-usap na lang sila ng show promoter, kukunin na lang uli siya sa show, ‘yung hindi niya naibalik na fifty percent downpayment, ibabawas na lang sa talent fee niya,” sabi uli ng aming source.

Natunaw ang mga naipundar ng kilalang male-female personality,­ kung sino ang nagpabaya ay siya lang ang nakakaalam, kahit pa may mga nagsasabi na ang hindi nagpahalaga sa kanyang mga pinaghirapan ay ang mismong pamilya niya.

Juancho magdusa­ ka sa pambabatos­ kay Alden

SA kahit anong anggulo man sipatin ay talagang mahuhusgahan ng korte ng bayan ang ginawang pangangarat ni Juancho Trivino sa poster ni Alden Richards. At mukhang bigay na bigay ang pamamakyu ng aktor, dinalawang daliri pa niya si Alden, gaano kaya kalalim ang galit ni Jauncho sa Pambansang Bae?

Ano kaya ang inaasahan ni Juancho pagkatapos kumalat ang video sa social media? Ang luhuran pa siya at dakilain ng ating mga kababayan? Ano ang naging gantimpala niya sa pambabastos kay Alden Richards?

Ngayon ay wala siyang pamimilian kundi ang lunukin ang drum-drum na apdong pinalalasahan sa kanya ng mga tagahanga ni Alden. Puro kasingpait ng ampalaya at katuray ang ulam ngayon ng bastos na aktor mula sa agahan hanggang hapunan.

Maling-mali ang aksiyong ginawa ni Juancho. Kung meron siyang galit kay Alden ay iisang istasyon lang naman ang kinabibilangan nila, ano ba namang kinompronta na lang niya ang Pambansang Bae, ganu’n ang tunay na lalaki.

Bakit niya idinaan sa poster ang kanyang galit, nakapagsasalita ba ‘yun para maidepensa ni Alden ang kanyang sa­rili, magkakaintindihan ba sila ng isang poster lang?

Kung inggit ang lumulukob sa utak ni Juancho ay magsikap siya, sundan niya ang mga pinagsakripisyuhang yapak ni Alden Richards, para sikatan din ng araw ang career niya.
At kung meron mang nagdikta sa kanya na ngaratan ang poster ni Alden Richards, dapat ay nag-isip siya nang maraming beses, dahil siguradong indulto ang aabutin niya sa pambabastos sa aktor.

Husgado na ng bayan ang kalaban ngayon ni Juancho Trivino. Napakahalaga ng pampublikong persepsiyon para sa mga artista, kaya kung bastos at maangas man ang turing sa kanya ngayon ng ating mga kababayan, magdusa siya!