Abante Tonite Interactive

Male performer sakit sa ulo ng show promoter

0 197

tonite-no-thanks-cristy-ferminKahit pa siguro tawasin ngayon ang isang show promo­ter ay hinding-hindi na nito kukunin pa uli ang serbisyo ng isang maangas na male performer.

Sobrang stress ang ibinigay niya sa promoter at sa mga nang-imbita sa kanya sa isang probinsiya, pinahirapan sila ng maangas na singer, dahil sa kanyang kaartehan.

Kuwento ng aming source, “Nag-request siya ng sariling sasakyan, dagdag man ‘yun sa gastos, pinagbigyan siya. Ang ibang mga kasamahan niyang performers, e, nasa isang van lang.

“Habang bumibiyahe ang male performer, e, text siya nang text sa promoter, ‘Napakalayo naman pala ng lugar na ito! Masakit na ang katawan ko sa biyahe, ang tagal-tagal!’

“Natural, ang sagot naman ng promoter, ‘First time mo lang kasing makakapunta sa destinasyon, pero actually, malapit lang naman ito.’

“Pagkatapos nang isang oras, e, nag-text na naman ang maangas na perfor­mer, nagugutom na raw siya, malayo pa ba ang bayang pupuntahan nila?

“Dahil napakalapit na nga ng lugar, e, hindi na siya sinagot ng promoter, ilang minuto na lang naman kasi, e, naka­handa na ang dinner para sa mga artista.

“Aba, dumating si mokong sa venue na nakasimangot, e, hindi na nga siya kaguwapuhan! Naiinis siya dahil gutom na gutom na raw siya! Nu’ng pinakakain na siya, e, ayaw niya naman, nalipasan na raw siya ng gutom!

Inis na inis sa kanya ang promoter, nagtataka rin ang ibang perfor­mers kung bakit hindi man lang siya nakikigrupo sa mga kasamahan niya, e, magkakakilala naman sila!” umpisang kuwento ng aming source.

Heto na. Nu’ng nasa backstage na ang lahat ng mga artistang inimbitahan nag-inarte na naman ang male singer na ang pakiramdam ay sikat na sikat pa rin siya.

Sabi ng aming source, “Naku, nagugutom daw siya, kailangan daw niyang kumain bago siya kumanta dahil baka siya himatayin sa stage! So, nagpakuha naman ng food ang promoter!

“Nu’ng nandu’n na ang food, kape na lang daw ang iinumin niya, hindi raw niya type ang dinalang pagkain para sa kanya! Naku, kung gaano karami ang pimples ng male singer na ‘yun, e, ganu’n din ang kaartehan niya!

“Maangas siya, maarte, kaya never na siyang kukunin pa ng promoter na ‘yun kahit pa magbagsak-presyo pa siya!” pagtatapos ng aming source.
***

KathDen digmaan ng luha

Tuloy na tuloy na! Wala nang makahaharang pa sa pelikulang pagtatambalan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo na kukunan sa Hong Kong. Mahigit na dalawampunag araw silang mananatili du’n para sa isang napakagandang istorya ng mga OFW na siguradong kayang-kayang itawid ng magaling na young actress at ng Pambansang Bae.

Natural, nagwawala na naman ang mga AlDub fanatics, puwede raw palang kumabilang-bakod si Alden sa Star Cinema pero bakit hindi makagawa ng pelikula ang GMA Films o TAPE, Incorporated para kina Alden at Maine Mendoza.

Malawak ang naaabot ng grupong KathNiel, naiintindihan nila na ang hakbang na ito ay para sa ikauunlad ng karera ng kanilang idolo, hindi sila maramot, lalo na’t payapa naman ang kanilang kalooban na hindi maaapektuhan nito ang relasyon nina Kath at Daniel Padilla.

Maging ang solidong Aldenatics ay hindi nagmamarakulyo, progreso para kay Alden ang tambalan nila ni Kathryn, pero siyempre’y may mga nagtatanong kung paano na si Daniel ngayong itinatambal na sa iba si Kathryn?

Ngayon pa lang ay parang nakikinita na namin kung gaano kagandang lalabas ang proyektong ito. Digmaan ito ng luha, kilalang-kilala sina Alden at Kathryn sa pagiging pabrika ng emosyon, parang gusto na naming hilahin ang panahon ng pagpapalabas ng pelikula.

Sa totoo lang!