Abante Tonite Interactive

Male personality adik sa sugal

1,087

tonite-no-thanks-cristy-ferminPatuloy pa rin pala ang bisyong pagsusugal ng isang pamosong male personali­ty. Balitang-balita nu’n na nagpahinga na siya dahil bumagsak ang kanyang kabuhayan showcase pero hanggang ngayon pala ay nakikita pa rin siya sa casino.

Kaya lang ay hindi na siya kalakasang tumaya, hindi naman barya-barya na lang, pero mas maliit na ang kanyang bet nga­yon kumpara nu’n.

Sabi ng isang source, “Papunta na sana ‘yun sa pagtigil. Nagsusugal pa rin siguro siya pero dahil na lang ‘yun sa giyang niya. Parang nagdodroga rin kasi ang addict sa pagsusugal.

“Mahirap ihinto, hinahanap-hanap, gustong makabawi. Napakalaki na ng perang nawala sa male personality na ‘yun mula nu’ng malulong siya sa casino.

“Lahat halos ng kinikita niya, e, sa sugal lang napupunta. Pati ang mga raket-raket niya, e, nauwi lang sa kapipindot niya. Tumigil na sana siya bago pa tuluyan na siyang mabangkarote,” napapailing na kuwento ng aming source.

Nu’ng kasagsagan ng bisyong pagsusugal ng male personality ay kaliwa’t kanan ang naging utang niya sa mga kasamahan niyang artista. Nagpupunta siya nang personal para mangutang, humaharap siya, hindi basta sa phone lang.

Pahayag uli ng aming impormante, “Nagpunta siya nu’n kay ____ (sikat na actor-TV host), nangutang siya nang malaking halaga, ang idinadahilan niya, e, may project daw siyang pinagkakaabalahan sa distrito niya.

“Kulang daw ang perang hawak niya para makumpleto ang project, pinautang naman siya ng actor-TV host, pero ang masakit lang, mula nu’n hanggang ngayon, e, hindi na niya binalikan ang taong inutangan niya.

“Kahit sa phone lang, ni ha ni ho, walang naririnig sa kanya ang pinagkakautangan niya. Kahit sa text man lang sana, e, humihingi siya ng dispensa sa kaibigan niya dahil hindi pa nga siya nakapagbabawas man lang ng pagkakautang niya hanggang ngayon!

“Nakakahiya ang ginawa niya. Hindi na siya makakaulit pa sa taong ‘yun, dahil pagkatapos niyang makuha ang gusto niya, e, hindi na siya nagpakita pa uli.

“Buti na lang at palaging panalo ang kabuhayan showcase ng actor-TV host, win na win siya sa lahat ng bagay, kaya okey lang kung bayaran man siya o hindi ng kaibigan niya,” pagtatapos ng aming impormante.

Pagtulong ni Kris walang halong politika

Ang umaapaw na biyayang tinatanggap niya ngayon ang totoong dahilan kung bakit nagsadya si Kris Aquino sa pansamantalang tirahan ng mga kababayan natin sa Marikina para bigyan niya ng ayuda.

Lumikas ang mga ito mula sa kanilang lugar dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig, nasa third alarm na ang Marikina River, kaya sa halip na ilagay sa peligro ang kanilang buhay ay iniwanan na nila ang mahahalaga nilang kagamitan sa bahay.

Agad na nagpamili ng mga pangunahing pangangaila­ngan si Kris sa kanyang staff, natural lang na ang mga ineendorso niyang produkto ang ipinabili niya, hindi siya nanghingi sa mga ahensiya at sariling pera niya ang ginastos ng aktres-TV host.

Hindi tinipid ni Kris ang mga laman ng mga supot na ipinamigay niya, kumpleto ‘yun sa pagkain, paliligo, paglalaba at iba pang mahahalagang produktong kinakailangan ng mga binagyo at binaha.

Ang kanyang katwiran, “Hindi puwedeng basta rumampa ka lang sa Hollywood, tapos dito, wala kang gagawin. You don’t have to be in an elective office to know na utang mo sa bayan ang kung anumang meron ka nga­yon.

“Bukod sa pinamili ng staff ko, meron din ka­ming 200 Chowking chicken meals, saka 200 na siopao. In my own little way and capacity, sana, makabawas ako sa pinagdadaanan nila ngayon,” sinserong sabi ni Kris.

Burahin na natin sa ating isip na baka may planong tumakbo sa susunod na halalan si Kris Aquino.

Katatapos lang niyang pumirma ng kontrata na daang milyones ang ha­laga na ang malinaw na nakalagay sa kontrata ay wala siyang tatakbuhang anumang posisyon sa gobyerno.

Puso ang nagdikta kay Kris Aquino para gumawa ng mabuti para sa kanyang kapwa at hindi nakatagong interes na makakuha ng boto sa susunod na eleksiyon.