Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality binisto ang lihim

0 174

May mga personalidad na may zipper ang bulsa, hirap na hirap maglabas ng pera, kaya lang ay hindi naman umuunlad ang kabuhayan. Walang paggalaw, ganu’n pa rin sa dati, walang pagbabago.

Pero may mga artistang may kabuluhan ang resulta ng pagiging kuripot, mahusay humawak ng salapi ang tawag sa kanila, dahil nakikita naman ng publiko ang positibong ebidensiya.

Kuwento ng aming source, “Tulad na lang ni ____(pangalan ng male personality na puwedeng isabak sa iba-ibang linya ng trabaho), kung kakuriputan ang pag-uusapan, e, baka siya ang number one sa listahan,” patikim na istorya ng aming source,

Maganit talaga ang mga palad ng male personality, magaling siyang humawak ng pera, lahat ng puwede niyang gawin para makatipid ay ganu’n ang ginagawa niya.

Patuloy ng aming source, “Imagine, lahat ng pagtitipid, e, ginagawa niya talaga. Tanungin n’yo man ang mga dating naging piloto niya, isa lang ang kuwentong malalaman n’yo.

“Wala silang food allowance, as in, wala talaga na katulad ng mga piloto ng ibang artista. Kumakain ang driver niya sa studio, sa catering, hindi kumakain sa canteen ng network ang driver niya.

“Malaking tipid nga naman ‘yun sa kanya, di ba? Instead na magbigay pa siya ng food allowance, kakain na lang ang driver niya sa rasyon nila sa studio.

“Pabarya-barya ang din siyang magkarga ng gasolina. Hindi uso sa kanya ang pagpapa-full tank para hindi na sana siya pakarga nang pakarga ng gas.

“Ang dahilan niya, e, maganda rin naman. Kapag kinarnap ang sasakyan niya, e, hindi kuno makakalayo ang mga carnapper, titirik ang car, dahil limitado lang ang kargang gasolina.

“’Yun ang dahilan niya kaya pakonti-konti lang ang pagpapa-gas niya, ginagawa lang niya ang pagpapa-full tank kapag malayong probinsiya ang location ng shooting niya.

“Pero kita n’yo naman, may positive result ang kakuriputan niya! Nakapagpundar na siya ng magarbong bahay, napag-aral niya ang mga anak niya sa eskuwelahang kilala, hindi na rin siya maghihirap dahil malaki ang laman ng bank account niya!

“’Yun ang lihim ng maganda niyang kabuhayan showcase, nasa pagtitipid, nasa magandang paghawak ng datung! ‘Yun ang kanyang lihim!” pagbibigay pa ng clue na pagtatapos ng aming source.

-o0o-

Nora, Phillip ‘namatay’

Hindi kami nabigo sa inaasahan naming brilyo ng pelikulang “Isa Pang Bahaghari.” Direk Joel Lamangan kasi ang kumukumpas, Nora Aunor, Phillip Salvador at Michael de Mesa pa ang mga pangunahing bituin, matindi ang pakete ng pelikulang ito ng MMFF.

Bukod sa husay ng mga sentrong karakter sa pelikula ay mahuhusay rin ang kanilang kasama, Zanjoe Marudo, Joseph Marco at Sanya Lopez.

Istorya ng isang dakilang pag-iibigan ang tema ng pelikula, pagkatapos nang dalawang dekada ay muling nagtagpo ang mag-asawa, naging mahirap ang muling pagbubuo ng pamilya pero nagkaroon ng isa pang bahaghari sa katapusan.

Wala nang kukuwestiyon pa sa galing gumanap ng Superstar, hindi rin nangalawang ang pag-arte ni Phillip Salvador, at napakagaling gumanap na baklang nagkaroon ng kaugnayan kay Phillip ang suwabeng si Michael de Mesa.

Gasgas na ang kuwento ng pelikula, ang panunumbat ng misis at ng kanilang mga anak sa dekadang pagkawala ng poste ng kanilang tahanan, ang pagkakaiba lang ay ang pagtatawid ng mga artista sa sitwasyon.

Tagisan ng galing sa pag-arte ang mga artista ng “Isa Pang Bahaghari,” maraming nakaiiyak na eksena, pero ang pinakasentro ay ang pinakahuling tagpo sa pagsasara ng kuwento.

Nakadamit pangkasal sina Phillip at Nora, magkahawak-kamay silang latag na latag ang mga katawan sa kama, pareho nang patay.

Ang dami-dami muna nilang pinagdaanang pagsubok, pero sabi nga, kailangan munang umulan bago natin makita ang bahaghari.

Leave A Reply

Your email address will not be published.