Abante Tonite Interactive

Male personality ‘di aakalaing bully noon

534

Nu’n palang kanyang kabataan ay sobrang bully ng isang kilala nang male personality ngayon.

Napakahilig niyang mamuwisit ng kanyang mga babaeng kaklase.

Kahit ang mga kalalakihan ay hindi nakali-ligtas sa kanyang mga kalokohan, nang-aagaw siya ng baon, tinatakot niya ang mga kapwa niya bagets na uupakan niya kapag nagsumbong sa kanilang teacher.

Palagi siyang ipinatatawag sa opisina ng principal, palagi ring nandu’n ang kanyang mga magulang, ganu’n siya ka-bully nu’ng batambata pa siya.

Pero ngayon ay kabaligtaran na ang kanyang ugali, tuwang-tuwa nga ang kanyang mga kaklase sa laki ng kanyang ipinagbago, ibang-iba na kasi siya ngayon.

Kuwento ng aming source, “Siguro nga, it goes with age. Napakabagets pa kasi niya nu’n, marami siyang katropa, trip nilang magkakaibigan ang mang-bully ng mga schoolmates nila.

“Laman siya ng principal’s office, pati ang parents niya, akalain mo ‘yun? Samantalang ngayon, e, napakatahimik niya, mabait siya sa mga katrabaho niya, very low key rin siya kahit pa sikat na siya!

“Wala kang maririnig na nagrereklamo sa kanya, mabait siyang katrabaho, hindi rin niya binibigyan ng problema ang production dahil very professional siya,” namamanghang kuwento ng aming source.

At hindi lang siya basta popular, itinuturing din siyang pinakamahusay na aktor ng kanyang panahon, dahil totoo namang mahusay siyang umarte.

Patuloy ng aming impormante, “Saka hindi siya nakalilimot sa mga dating kaibigan niya, pati ang mga kaklase niya, kilala pa rin niya by name, hindi basta by face lang.

“Kapag reunion nila, pumupunta siya basta maluwag ang schedule niya! Kung hindi naman dahil may trabaho siya, talagang nagpapadala siya ng mga pagkain sa batch nila para mapagsaluhan.

“Kaya naman maganda ang buhay niya, ang career niya, hindi naman siya ‘yung talagang nasa ituktok ng kasikatan, e, hindi siya nawawalan ng trabaho. Very visible siya at pinupuri sa talent niya.

“Ganu’n naman kasi talaga, kung anong kabutihan ang ginagawa mo, e, ume-echo ‘yun pabalik sa iyo, ‘di ba?” pagtatapos ng aming source.

Pagbabalik-showbiz ni Ellen ‘di dahilan ng hiwalayan

Hindi naniniwala ang aming kausap sa kuwento na ang naging dahilan ng paghihiwalay nina John Lloyd Cruz at Ellen Adarna ay ang kagustuhan nang bumalik sa pag-aartista ng sexy actress na pinag-awayan nila ng kumokontrang si Lloydie.

Napakababaw na dahilan nu’n, pareho nilang mahal ang kanilang trabaho, kaya hindi magiging mitsa ng kanilang paghihiwalay ang pagbabalik sa harap ng mga camera ni Ellen Adarna.

Hindi rin kapani-paniwala ang istoryang hindi na kinaya ni Ellen ang sobrang pagiging walwalero ni John Lloyd, pareho silang mahilig uminom, alak nga ang pinaniniwalaang naging tulay sa kanilang relasyon.

Ang nakapag-iisip nang makalawa at makatlo ay ang sinabi ni Ellen Adarna na hindi na nito kinakaya ang kawirduhan ni Lloydie.

Anu-ano kayang kawirduhan ng magaling na aktor ang hindi na kinakaya ni Ellen?

Ang pagbabago ng itsura ng aktor na mukha na siyang ermitanyo sa mahaba niyang balbas at bigote?

Pisikal lang ‘yun para maging matinding problema nila.

Mas nasorpresa kami sa isang impormasyon na kumakalat ngayon kaugnay ng hiwala-yang John Lloyd Cruz at Ellen Adarna. Mas mukhang kapani-paniwala ang kuwentong ‘yun.

Sabi ng aming source, “Kausapin n’yo ang bestfriend ni Ellen Adarna, siya ang nakakaalam ng puno’t dulo ng break-up nila ni John Lloyd.

“Kapag siya na ang nagsalita, e, totoo ‘yun, dahil siya ang pinagsasabihan ni Ellen ng lahat ng lihim sa buhay niya!” makahulugang komento ng aming kausap.