Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality ‘di makapagbayad ng condo

0 905

Matindi rin ang problemang naeengkuwentro ngayon ng isang male personality na hindi natutong mag-ipon habang maganda pa ang daloy ng mga biyaya sa kanya.

Inuna ng lalaking personalidad ang mga luho sa buhay, palibhasa’y ngayon lang naman kasi siya nakakatikim ng kanyang mga pinapangarap, dahil galing siya sa mahirap na pamilya.

Kuwento ng aming source, “Hindi niya akalaing mangyayari pala ang ganitong pagsubok sa buhay niya. Nawala ang lahat ng pinagkakakitaan niya, walang pumapasok sa bulsa niya ngayon.

“Dahil pinapangarap lang niya ang mga branded na kagamitan, ‘yun ang kanyang inuna, sumabay siya sa mga kasamahan niyang can afford namang bumili ng mga mamahaling gamit.

“Nabigla siya sa tinatanggap niyang talent fee, akala niya, e, wala nang katapusan ang lahat,” unang kuwento ng aming impormante.

Hulugan ang mga binili niyang sasakyan. Meron na siyang dating nabili, kumuha pa uli siya ng isa, paano na ang buwanan niyang pambayad ngayong wala na siyang regular na trabaho?

“Paano na nga ngayon ang mga hulugan niyang sasakyan? ‘Yun ang dahilan kung bakit may tinawagan na siyang kaibigan, nagsasangla na siya ng OR-CR ng car niya. Wala siyang choice kundi ganu’n ang gawin, dahil wala na nga siyang trabaho.

“Sising-alipin na siya ngayon, kung inuna niya nga naman ang mahahalagang bagay, e, di hindi sana siya nagkakaganyan ngayon?

“Kung natuto sana siyang mag-ipon, kahit maliit na negosyo lang ngayon, e, makapagsisimula siya. Pero nganga siya ngayon, plano na nga niyang lumipat ng tirahan.

“Hindi na niya kayang magbayad sa condo unit na tinitirhan niya, hindi na ‘yun kaya ng bulsa niya, humahanap na siya ngayon ng matitirahang apartment na pati ang pambayad sa downpayment, e, pinoproblema pa rin niya ngayon.

“Haaay! Walang magawa ang kaguwapuhan niya ngayon sa matinding problemang pinagdadanan ng kabuhayan showcase niya. Nakakalungkot, kung natuto lang sana siyang mag-ipon,” pagtatapos ng aming source.

Clint nakinabang kina Sam-Catriona

Kasingkapal ng sangkalan ang pagmumukha ni Clint Bondad sa pagsasabing hindi raw dapat magreklamo si Sam Milby sa kanyang mga patutsada dahil pinasisikat niya ang singer-actor.

Saang lupalop kaya ng mundo nanggaling ang Bondad na ito? Ni hindi pa man siya lumulutang bilang dating karelasyon ni Catriona Gray ay sikat na si Sam?

“I’m making you famous, don’t complain,” literal at eksaktong sinabi ng lalaking gustong ingudngod sa pader ngayon ng mga tagasuporta nina Sam at Catriona.

Dagdagan na rin siguro ‘yun ng pag-uumpog sa kanya sa pader para magising siya sa katotohanan na siya ang nakikinabang sa mga ginagawa niyang pambabastos ngayon kina Catriona at Sam.

Napakalakas ng apog ng modelong ito, para bang may utang na loob dapat tanawin sa kanya si Sam dahil sa mga kalokohang pinaggagagawa niya ngayon, ang kapal!

Agad naman siyang ipinagtanggol ng kanyang bestfriend kunong si Anne, nasa tamang isip daw si Clint, nabuburyong lang daw kaya nagkakaganyan.

Maraming nabuburyong ngayon dahil sa pandemya, hindi na malaman ng mga kababayan natin kung anong paraan ang kanilang gagawin para lang makapamuhay, dahil daan-daan libong Pinoy ang nawalan ng trabaho.

Pero sa kanilang kaburyungan ay hindi naman sila nangdadamay ng ibang tao, hindi sila nambabastos ng mga taong nananahimik, na mismong ginagawa ngayon ng Clint Bondad na ito.

Ang kapal!

Leave A Reply

Your email address will not be published.