Abante Tonite Interactive

Male personality galit sa aktor

868

MAGKAIBIGAN na ngayon ang dalawang kilalang male personalities, pero dati’y hindi maganda ang kanilang samahan, galit na galit si Actor A kay Actor B.

Ngayon na lang inilabas ng isang source ang kuwento pagkalipas nang maraming taon, inakala pala kasi ni Actor A na kinarelasyon ni Actor B ang kanyang girlfriend na sikat na singer-actress.

Kuwento ng aming source, “Naku, galit na galit si ____ kay ____ (pangalan ng dalawang pamosong aktor)! Feeling kasi niya, e, inagaw sa kanya nu’ng isa ang girlfriend niya!

“Kapag magpupunta siya sa isang gathering, e, tinitiyak niya munang wala du’n ang kinaiinisan niyang male personality, madiing-madiin ang sinasabi niyang ‘I hate him!’

“Pero hindi naman pala naing magkarelasyon ‘yung girl at ang kinabubuwisitan niyang male personality, nagtambal lang sila sa isang movie, pero walang namagitang relasyon sa kanila!” natatawang kuwento ng aming impormante.

Pero ngayon ay maayos na sila, nagkikita na sila nang walang problema dahil hindi rin naman naging forever ang pagsasama ni Actor A at ng sikat na aktres, nauwi rin sa hiwalayan ang relasyon nila.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Female celebrity Patong Queen

PATONG Queen ang tawag ngayon ng mga impormante sa isang female personality na nagtrabaho sa isang malaking kumpanya ng mga produktong pampaganda.

Walang seksuwal na konotasyon ang bansag sa kanyang Patong Queen, may kinalaman ‘yun sa datung, nabuking ng kumpanya na nagpapatong pala nang malaking halaga ang female personality sa mga kinukuhang endorsers ng mabentang-mabenta ngayong beauty products.

Kuwento ng aming impormante, “Napaka-generous nu’ng owner ng company, napakadali niyang kausapin, kung naging parehas lang sana siya.

“Nagpakatotoo na lang sana siya, sinabi na lang sana niya du’n sa owner na magdadagdag siya ng amount, di wala na sanang ganitong issue!

“Kaso, nalaman pa ‘yun ng may-ari sa ibang tao, masakit nga naman ‘yun, dahil sa kanya nagtatrabaho ‘yung female personality, pero pumapatong pa pala siya sa presyuhan!

“Aba, siya pa ang may ganang magalit ngayon, kung anu-anong istorya ang ikinakalat niya, kesyo wala raw siyang utang na loob du’n sa owner ng mga beauty products!

“Isosoli raw niya ang lahat ng mga iniregalong branded stuff sa kanya nu’ng owner, e, di isoli niya! Hindi kasi siya nagpakatotoo, kaya ayan tuloy, Patong Queen na ang tawag sa kanya!” madiing komento ng aming source.

Sayang na oportunidad. Sayang na pagkakataon. Kailangang mabigyan ng beautiful justice ang beauty products owner.

Willie ayaw may umuwing luhaan

SA February 15 na, Sabado, alas siyete nang gabi ang unang sultada ng Wowowin Primetime ni Willie Revillame.

Dagdag na saya ang hatid nito sa mga tagasuporta ng sikat na aktor-TV host dito at sa iba-ibang bansa man, mula Lunes hanggang Sabado ay makakasama na nila ang kanilang Kuya Wil, at siyempre’y karagdagang biyaya rin para sa mga kababayan natin ang mga nakahandang sorpresa ng kanyang programa.

Si Willie pa naman, para mapasaya lang ang kanyang mga tagahanga ay dumudukot siya ng pera sa sarili niyang bulsa, ayaw na ayaw niyang may umuuwing luhaan.

Sabi ni Willie, “Imagine naman, uupa sila ng sasakyan mula sa probinsiyang pinanggalingan nila. Nagpapaimprenta pa sila ng mga t-shirts na isusuot nila sa show.

“Kumakain pa sila, bumibiyahe nang malayung-malayo, kaya gusto ko namang kahit paano, e, masulit ang panonood nila ng Wowowin.

“Ayokong umuwi silang walang dala-dala, kailangang meron, kaligayahan ko na ‘yun,” mula sa pusong komento ng kuya ng lahat.