Abante Tonite Interactive

Male personality ginawang babymaker

787

Ang dami-daming lumulutang na ispekulasyon at pagdududa kung bakit nagkahiwalay ang isang showbiz couple na dati’y parang mangga at suman na hindi naghihiwalay kahit saan.

Ang klase ng pagmamahalang meron sila nu’n ay hinulaan din ng marami na magtatagal dahil napakalaki ng kanilang isinakripisyo lalo na sa parte ng lalaki.

Sa siyudad kung saan sila nanirahan ay napabalitang ipinagpapatayo na sila ng mansiyon ng mayamang pamilya ng babae. Nakita na silang nagsusukat ng lote sa isang lugar na bulubundukin sa siyudad.

May kuwento ring kinausap na nila ang isang sikat na furniture designer na naninirahan din sa busy city, ito raw ang gagawa ng lahat ng mga muwebles sa kanilang magarang bahay, milyun-milyon diumano ang aabutin ng kanilang mga kagamitan.

Pero ano ang nangyari? Burado nang lahat ang kanilang mga plano? Wala na nga bang posibilidad na magkabalikan ang magkarelasyon?
Kuwento ng isang source, “Malalim na ang problema nila. Hindi na ‘yun matatagpian. Kahit anong pakiusap pa ang gawin nu’ng male personality, e, wala nang mangyayari.

“‘Yung girl ang nakipagkalas sa kanya. ‘Yung girl na ang umayaw. Sabi nga ng mga miron, e, anak lang daw naman kasi ang gusto ng girl, hindi matagalang karelasyon.

“Nakakaloka naman ‘yun para sa guy, ‘di ba? Parang ginawa lang pala siyang babymaker ng babae?” unang kuwento ng aming impormante.

Kung ang mga kaibigan ng mayamang pamilya ng female personality ang paniniwalaan ay alam na alam ng mga ito kung gaano kamahal ng kanyang angkan ang babae.

“Isa siya sa iilang tagapagmana ng angkan nila. Puputok nang sabay-sabay ang lahat ng mga bulkan sa Pilipinas, pero hindi magugutom ang girl. Ganu’n siya katindi, ganu’n na ka-secure ang future nilang mag-ina.
“Spoiled siya, nakukuha niya ang lahat ng magustuhan niya, kaya kahit sinong taong kakalaban sa kanya, e, siguradong kalaban na rin ng family niya,” madiing sabi ng aming kausap.
Ganu’n daw!

Kris ginagamit
sina Alden,
Kathryn?

Pinanood ni Kris Aquino ang Hello, Love, Goodbye nina Alden Richards at Kathryn Bernardo. Iniyakan ng aktres-TV host ang pelikula, maubus-ubos ang isang kahon ng tissue dahil sa panununtok ng istorya ng pelikula sa kanyang puso, humihikbi-hikbi pa raw siya sa ibang eksena.

Magaling na tagapagbenta ng produkto si Kris Aquino. Kahit nga ang mga ineendorso niyang produkto sa kanyang mga TVC ay sinusuportahan ng marami nating kababayan. Ganu’n kalakas ang kanyang panghalina sa publiko.

Dahil sa mga papuri ni Kris sa Hello, Love, Goodbye ay asahan nang pipilahan pa rin ang obra nina Alden at Kathryn sa ikatlong blockbuster week nito. Naka-P700 million mahigit na ang pelikula at maging sa mga international screenings ng Hello, Love, Goodbye ay nagkakaubusan ng mga tickets kaya nagrereklamo ang ating mga OFW.

Pero siyempre, gaano man kaganda ang hangarin ni Kris sa pagpuri sa pelikula nina Kathryn at Alden ay may mga umeeksena pa ring mga negang kuwento, ibang klase raw ang aktres-TV host sa pakikisakay sa kung sino ang sikat at pinag-uusapan ng buong bayan.

Muling nabuhay ang anekdota tungkol kay Kris tuwing gumigising siya, agad niyang tatanungin sa kanyang mga kasambahay, “Who’s sikat today?”
Ginagawa na naman siyang pulutan ng kanyang mga bashers na nag-aabang lang talaga ng butas na masisilip para ipambira sa kanya.

Sabi ng isa, “Para lang maging relevant ka pa rin, ginamit mo na naman sina Alden at Kathryn! Sana, kumita rin ang ginagawa mong movie na magso-showcase uli sa kaisa-isang constipated acting na alam mo!”
Nakakaawa naman si Kris Aquino, nagpakatotoo lang naman siya, pero siya pa rin ang ipinako sa krus nang nakadipa.