Abante Tonite Interactive

Male personality ‘happy’ sa loob ng kulungan

2,165

tonite-no-thanks-cristy-ferminNapakalaki ng sinayang na oportunidad ng isang male personality na hindi na uli napapanood ngayon dahil sa pagkakasangkot ng kanyang pangalan sa bisyo.

Sayang na sayang dahil marami pala siyang nakalinyang gagawing trabaho para sa isang malaking network. Magaling naman kasi siyang umarte. Maaasahan siya sa drama maging sa maaaksiyong eksena.

Pero isang araw nga ay sinorpresa siya at ang kanyang mga kasama ng mga otoridad. Dinampot sila at ngayon ay naghihimas pa ng malamig na rehas na bakal ang magaling umarteng lalaking personalidad.

Abante Hiring – IT dep

Pero kuwento ng aming source, “Bago pa nangyari ‘yun, e, may napapansin na ang mga katrabaho niya. Maigsi lang ang break nila sa taping, pero bigla na lang siyang nawawala.

“Natural, take na niya, hinaha­nap siya ng production staff dahil siya na lang ang hinihintay para magawa na ang eksena. Medyo matagal pa bago siya lumitaw.

“Sabi, galing daw siya sa CR, pero wala nang naniniwala sa mga idinadahilan niya nu’n, puwede ba namang tuwing taping na lang niya, e, saka umaariba ang tiyan niya?

“Ano ‘yun, every taping day niya, e, saka siya nagkakaroon ng LBM? Napaka-selective naman ng pagsakit ng tiyan niya, tuwing taping lang, samantalang okey naman siya sa lahat ng araw?

“Kasi nga, e, palagi siyang nagpupunta sa CR para du’n gawin ang milagro niya. Wala siyang kadala-dala, alam niya namang ‘yun ang pinakabawal sa kundisyon niya, pero matigas talaga ang ulo niya,” kuwento ng aming impormante.

Happy raw naman sa loob ang male personality, sabi ng mga miron, kung anuman ang ibig nilang sabihin sa komentong ‘yun ay sila-sila lang ang nakakaalam.

Nasa kulungan na, pero happy pa, ano ‘yun?

Relasyong Cesar-Sunshine nakakapanghinayang

Totoong-totoo ang komento ng isang maga­ling na abogadong nakakuwentuhan namin. Sa bawat desisyon ng korte tungkol sa pagpapawalang-bisa ng isang kasal ay magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman ng mga taong sangkot.

Saya dahil sa wakas ay malaya na silang magmahal uli, lungkot, dahil ang kanilang pagsasama na inakala nilang magiging forever ay nawalan ng saysay.

Sa paglalabas ng hukuman ng desisyon tungkol sa annulment ng kasal nina Cesar Montano at Sunshine Cruz ay ang aktres ang mas bukas ang emosyon. Agaran siyang nag­labas ng kanyang saloobin bilang pasasalamat sa napakatagal na niyang hinihintay na pagpapawalang-bisa sa kasal nila ni Cesar Montano.

Komento ng kausap naming abogado, “That’s a natural reaction, lalo na’t hindi naging maganda ang paghihiwalay nila ni Cesar. Matindi ang naging away nila, nagpalitan sila ng masasakit na salita.

“But I can never be wrong. Sa dami na ng hinawakan kong kaso ng annulment, walang masaya sa ganu’n, lungkot at saya, ganu’n ang sitwasyon. Failure kasi ‘yun.

“Sa pagsasalita ni Sunshine, siguradong may lungkot siyang nararamdaman. Every woman wishes kasi na sana, pang-forever na ang relasyong pinasok niya. Pero along the way, nagkakaroon ng mga problema,” pahayag ng kausap naming abogado.

Maraming nanghihinayang sa relasyon nina Cesar at Sunshine na nasaksihan ng buong industriya sa loob nang maraming taon. Maayos ang kanilang buhay, biniyayaan sila ng tatlong magagandang anak, sino nga ba ang mag-aakala na sa wala rin pala mauuwi ang kanilang kasal?

Ngayon ay malaya nang makipagrelasyon si Sunshine, ganu’n din si Cesar, pero nand’yan pa rin ang tatlo nilang supling na laging magpapaalala sa kanila ng mga ibinato nilang pangarap sa langit na hindi natupad.