Abante Tonite Interactive

Male personality hustler sa pakikipagharutan sa beki

0 205

tonite-no-thanks-cristy-fermin

Dahil sa pagkakaroon ng exposure ngayon ng isang male personality ay nabulabog ang kanyang mga dating kasamahan at kakilala. Puwedeng Spell I, as in inggit, ang nararamdaman ng mga ito kaya siya ang sinesentruhan ngayon ng mga intriga.

Lumutang ang kuwentong hindi na bago ang ginagawa niyang pakiki­paglaro-pakikipagharutan sa TV, sanay na sanay na kuno ang male personality sa ganu’n, kaya nga lang ay offcam.

Kuwento ng isang source, “Wala namang ganyan dati, e. Pero ngayong matindi na ang exposure na nakukuha nya sa TV, natural lang na magluta­ngan na rin ang mga taong dati niyang nakakasama.

“Like ngayon, meron nang naglalabasang kuwento na hindi lang naman ngayon siya ganyan, dati na raw, meron na rin pala siyang mga naka-close na becki.
“Meron na ring istor­yang dati siyang hawak ni ganito at ganu’ng gay benefactor, kaya hindi na bago ang pakikipagharutan niya sa TV ngayon.

“Kumbaga, ang gustong sabihin ng mga miron, e, hindi na siya ino­sente, sanay na sanay na siya sa ganyan, kaya tama na ang pagpapa-cute,” kuwento ng isang impormante.

Pero isang source naman ang nagkuwento na nire-rehearse ng male personality ang kanyang mga sasabihin sa ere. Alam na niya ang dapat gawin, magkaalam na sila ng becki TV host, hindi ‘yun basta biglaan lang.

“Bago siya isalang, e, alam na niya ang mga gagawin niya. ‘Yung kunwaring nagtatampo siya, scripted na ‘yun! Puwede ba? Konting salita nga lang, e, hindi kaya nu’ng guy, ang mahahabang lines pa kaya?

“Natural, rehearsed na ‘yun, scripted na, kaya hindi na siya naliligaw. Exposure na nga naman ‘yun, kaya bakit pa siya tatanggi?” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.

Basag!
***

Mag-ina magpapatalbugan sa pagkanta

Unang concert ito na gagawin ng Asia’s Diva na kasama ang kanyang anak. Mother & Child ang titulo ng show na pagsasamahan ni Dulce at ng kanyang anak na si David Ezra sa February 16 sa Zirkoh-Tomas Morato.

Una naming narinig na mag-duet ang mag-ina sa isang okasyon sa Pandi, Bulacan sa imbitasyon ni Mayor Enrico Roque. Biglaan ‘yun, hiniling lang ng audience, kinanta nila ang The Prayer.

Tahimik ang lahat, palakpakan lang ang maririnig bilang paghanga sa mag-ina, may pinagmanahan ang husay sa pagkanta ni David Ezra.

May sariling linya ang binatang anak ng Asia’s Diva, bumibida siya sa mga stage-musicale, napanood namin siya sa Binondo: A Tsinoy Musical at sa curtain call ay malakas na sigawan at pa­lakpakan ang iniregalo sa kanya ng manonood.

Puwedeng-puwedeng umarte sa pelikula at telebisyon si Dave, pero mas pinili niya ang entablado, angat na angat ang kanyang performance sa mga nakaraan niyang stage-musicale kaya hindi na kataka-taka kung isang araw ay umarte na rin siya sa mga London musicale.

Sabi ni Dulce, “Sa mga anak ko, si David ang nakikita kong seryoso talaga sa craft niya. Disiplinado siya, nasa puso niya talaga ang pag-arte sa entablado at pagkanta. Masaya siya sa mundong napili niya.

“May isang anak pa akong babae na mahusay ring kumanta, pero si David ang unang sumalang, I’m so proud of my son,” komento ni Dulce.

Sa darating na Sabado, February 16, ay mapapanood sa unang pagkakataon ang mag-ina sa paglalabas ng kani-kanyang kapasidad sa pagkanta.

Ang magaling na grupong The OPM Hitmen na binubuo nina Renz Verano, Rannie Raymundo, Chad Borja at Richard Reynoso ang kanilang special guests.

Sa direksiyon ni Japs Gersin kasama ang Xindicatto Band ay isang gabing hindi kalimut-limot ang Mother & Child concert.