Abante Tonite Interactive

Male personality inaapi ang sarili

0 379

Hindi pala uso sa buhay ng isang pamosong male personality ang salitang bakasyon. Kinukuwenta niya kasi ang magagastos niya, kaya kesa sa maglabas ng datung, du’n na lang sila ng kanyang pamilya sa bahay-bakasyunan niya.

Kahit sa pangi­ngibang-bansa ay ganu’n din siya. Habang nandu’n ay humahanap siya ng raket. Kinakausap niya ang mga taong maraming kuneksiyon, kailangan niyang magtrabaho pa rin para kumita at mabawi ang ipinamasahe niya, isa siyang calculator.

Komento ng isang source, “Ano pa kaya ang kailangan niya, e, maayos na naman ang kabuhayan showcase niya? Marami pa bang kulang sa kanya?

“Bakit hindi niya regaluhan ang sarili niya ng isang masarap na bakasyon? Dalhin niya ang pamilya niya, magsaya sila, hindi ‘yung ganyan na gastos agad ang naiisip niya?

“Nagtatrabaho siya, nagpupuyat at nagpapagod siya, pero inaapi niya ang sarili niya! Nakakaloka ang taong ‘yun, walang kasiyahan, puro pera ang nakadrowing sa utak niya!” napapailing na kuwento ng isa niyang dating nakakasama.

Hindi na nakapagtataka ang mga rebelasyon nu’n ng mga dating kasambahay nila ng aktres na nakahiwalay niya. Sa pantry mismo naggo-grocery ang male perso­nality para dalhin sa bahay ng mga magulang niya.

“Kumikita naman siya, pero ‘yung mga groceries nila sa bahay siya kumukuha ng mga iuuwi sa bahay ng parents niya. Naloloka na lang ang wife niya, dahil napakabilis maubos ng mga groceries nila,” pag-alala naman ng isang impormante.

At heto pa. paminsan-minsan ay hinihiram ng kanyang mga kapatid ang sasakyan niya kapag wala siyang trabaho. Pumapayag naman siya.

Kuwento ng aming source, “Pero may kundis­yon ang pagpapahiram niya! Titingnan niya muna ang gauge ng gas niya kung gaano kataas. Sasabihin niya sa utol niyang humihiram, ‘O, ayan, ha? Ganyan mo ring ibabalik sa akin ang gas ng kotse ko!’

Nakakaloka siya! Araw-gabi, e, consistent siya! Maramot! Mapagharimunan!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.
***

Panganganak ni Julia malabong kumpirmahin ni Coco

Ibinibigay ni Coco Martin ang lahat-lahat ng kanyang ta­lento para mapasaya ang ating mga kababayan. Walang takot niyang ginagawa ang mga delikadong stunts para masiyahan ang mga tumututok sa pinagbibidahan niyang FPJ’s Ang Probinsyano.

Bilang aktor ay wala nang itinitira para sa kanyang sarili si Coco Martin. Action, drama, pati nga co­medy ay pinasok na rin niya para ipakita sa lahat na puwede siya sa kahit ano.

At sa listahan ng ating mga kababayan ay walang kapantay si Coco sa Ang Probin­syano, siya na talaga ang naghahari sa telebisyon, kaya lahat ng mga prog­ramang tumapat sa kanilang serye ay tumitihaya sa rating.

Ano na lang ba ang hindi kayang ibahagi ni Coco Martin sa publiko? Ang kanyang pribadong buhay. Pipi si Ricardo Dalisay kapag ‘yun na ang itinatanong sa kanya. Bingi rin si Coco kapag ‘yun na ang inuukilkil sa kanya.

Kaya mapapanghal sa paghihintay ang mga umaasang siya mismo ang kukumpirma sa pa­nganganak ng matagal na niyang karelasyong si Julia Montes. Kung ang relasyon nga nila’y hindi nila isinasapubliko, ang pagkakaron pa kaya nila ng anak ang unahing kumpirmahin ni Coco Martin, malabong mangyari ‘yun.

Pahayag ng kaibigan naming propesor, “Ako, regular kong sinusubaybayan ang Ang Probinsyano dahil sa istorya at sa husay umarte ng mga artista, lalo na si Coco.

“Wala akong pakialam sa lovelife niya, ang pag-arte niya ang concern ko, hindi ako naghihintay ng confirmation niya tungkol sa panganganak ni Julia!
“Ang mga susunod pang eksena sa serye ang inaabangan ko dahil stress reliever ko ang Ang Probinsyano!” madiing komento ni prop.