Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality makuwenta sa TF

0 24

Sa isang biglaang pagkikita ay nagkakuwentuhan ang dalawang impormanteng parehong nakatrabaho nang matagal ng isang kilalang male personality.

Hindi na sila nagulat sa balitang lumundag na ng bakod ang lalaking personalidad na hindi na bumabata. Inaasahan na raw nila ‘yun.

Kuwento ng aming source, “Matagal na pala nilang inaasahan ang paglipat ng network nu’ng male personality. Parang sinasabi na rin nilang langgam ang magaling na aktor, kung nasaan ang asukal, e, nandu’n siya.

“Makuwenta raw kasi sa talent fee niya ang male personality, para sa kanya, lahat ng serbisyo niya, e, kailangang bayad,” unang kuwento ng aming impormante.

Nu’ng nagkasabay-sabay kuno ang kanyang serye sa pinagseserbisyuhan niyang network ay palaging tumatawag ang aktor sa mga production staff.

Sabi uli ng aming source, “Meron pala siyang sariling notebook kung saan nakalista ang mga araw na ipinagtrabaho niya sa mga projects niya sa network.

“Tinatanong niya kung bakit ganu’n lang ang talent fee niya, samantalang ganito at ganyan ang dami ng araw na ipinagtrabaho niya. Walang lusot ang production staff, meron kasi siyang listahan ng araw at location ng trabaho niya.

“Nakakaloka! Ipinaglihi rin pala siya sa calculator! Hindi siya puwedeng maligaw pagdating sa datung, may sarili siyang listahan!

“Walang choice ang staff kundi ang magdagdag, kailangan niyang gawin ‘yun dahil hindi siya tatantanan ng male personality. E, ang laki pa naman ng TF ng male personality!

“Namamayagpag kasi siya nu’n sa dati niyang network. Hindi pa natatapos ang isang serye niya, e, nagsisimula na uli siya sa isang bago lang. nagkakasabay-sabay ang projects niya!

“Ewan lang kung mangyayari ang ganu’n sa nilipatan niyang istasyon. Mukhang hindi na. Iba ang atake ng bagong network na pagseserbisyuhan niya,” madiing pagtatapos ng aming impormante.

-o0o-

AlDub Nation walang bisa ang pagbabanta

Umaariba na naman ang ibang miyembro ng AlDub na hindi mo malaman kung anong klima ba ang kanilang gusto, malamig ba o mainit, dahil mahirap silang intindihin.

Sila ang mga tagahangang nanghihimasok sa personal na buhay ng kanilang idolo. Sila ang mga faney na kung ano ang kanilang gusto ay kailangang sundin ng hinahangaan nilang artista.

Matagal nang nagkani-kanya ng linya ng trabaho sina Alden at Maine Mendoza, pero ang kanilang pakiramdam ay ang dalawa pa rin ang kailangang magkatuluyan, naniniwala pa nga sila na nagkaanak sina Alden at Maine. Susmaryosep!

Ang bago nilang pagbabanta ngayon ay hindi nila susuportahan ang serye nina Alden at Jasmine Curtis Smith, banned daw sa kanila ang proyekto, sasabotahihin daw nila.

Anong taon na ba ngayon? At pandemya pa. Bakit kaya sila naniniwala na kapag hindi nila pinanood ang mga palabas ni Alden na hindi si Maine ang kapareha ay babagsak ang rating?

Ilang programa na bang pinagbidahan ni Alden na hindi kasama si Maine ang nangwasak ng rating ng mga katapat niyang shows?

Dapat tanggapin ng mga mapagbantang faney na ito na wala nang kapangyarihan ang kanilang mga salita. Hanggang pamba-bash na lang ang kanilang magagawa, ang pagkontra sa kung sinumang nagpapasaya kina Alden at Maine, wala nang iba.

E, ano naman ngayon kung hindi nila tangkilikin ang serye nina Alden at Jasmine? Makukumbinse na ba nila ang publiko na huwag ding panoorin ang programa?

At ano ang kapangyarihan nila para magbanta? Kapag hindi ba nila sinuportahan ang serye nina Alden at Jasmine ay bababa na ang presyo ng gasolina?

Mababakunahan na ba ang buong Pilipinas kapag ginawa nila ‘yun? Nakakamangha ang ilusyon ng mga taong ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.