Abante Tonite Interactive

Male personality malaki ang utang

545

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapag-move-on sa pagkatalo nu’ng nakaraang eleksiyon ang isang pulitikong nanga-ngarap palang maging pangulo ng ating bayan.

Naglabas na ng pagtanggap sa pagkabigo ang mga hindi pinalad na manalo, pero ang pulitikong ito ay kuda pa rin nang kuda, hindi siya mapakali sa kapapaliwanag.

Kuwento ng aming source, “Napapagod na nga sa pakikinig sa paliwanag niya ang mga tinatawagan niya, e! Parang ayaw na nga siyang pakinggan?

“Malaki kasi ang problema niya. Marami siyang inutangang kaibigan at kakilala para gastusin sa kampanya niya! ‘Yun kasi ang isinasangkalan niya sa pagbabayad, mananalo raw siya, kaya mabilis lang niyang mababayaran ang mga pinagkakautangan niya!

“Kaso, bumaligtad na naman ang bangka niya, olats na naman siya, kaya paano na ang mga taong pinangakuan niyang mababayaran agad-agad?” napapailing na kuwento ng aming impormante.

Nu’ng unang matalo sa tinakbuhan niyang posisyon ang male personality ay marami na siyang pagkakautang. Nabigo siyang makapangutang uli dahil hindi pa nga naman bayad ang una niyang utang ay madadagdagan pa?

Mahirap kasi kapag nauuna ang kayabangan. Saka parang palagi siyang nagpapa-presscon kung magsalita, talagang hataw kung hataw siya sa kalaban niya!

“E, sawang-sawa na sa ganu’n ang mga botante ngayon, delivery ng services na ang pinagbabasihan nila, hindi puro kuda lang nang kuda!

“Tuwing umaakyat siya sa entablado, e, sumbong siya nang sumbong sa audience ng mga katiwalian daw na ginagawa ng kalaban niya!

“Ayun, olats na naman siya, kaya kailangan sa korte na lang siya umapela ngayon! Tantanan niya na kasi ang kakukuda! Tanggap na nga ng pamilya nila ang pagkatalo, pero siya naman, dakdak pa rin nang dakdak!” nayayamot na pagtatapos ng aming source.
***

Female celebrity natuwa
sa talunang pamilya

Tinawagan ng isang female personality ang kanyang kaibigan nu’ng unang araw ng bila-ngan. Sabi ng female personality, ‘O, natapos na rin ang pamilya nila! Sa wakas!”

Takang-taka ang tinawagan ng female personalit­y kung bakit ganu’n ang tabas ng kanyang dila, tanong nito, “Siya pa ba naman ang matutuwa sa sinapit nu’ng pamilya, e, isa siya sa nabiyayaan nang husto nu’ng pamilyang ipinagpapasalamat niyang tapos na sa pulitika?

“Naku, ang mga tao nga naman, parang langgam! Kung nasaan ang asukal, nandu’n din sila na nanginginain!” sabi ng tinawagan ng f­emale personality.
***

Alex ‘ginulpi’
sa kataklesahan

Hiningi ni Alex Gonzaga ang masasakit na salitang ipinakakain sa kanya ngayon sa social media. Grabe ang mga komento laban kay Alex, pero kung susumahin ay may pinanggagalingan naman kasi ang mga ganu’n kapapaklang komento kontra sa kanya ngayon.

Nandu’n na tayo. Naging taklesa ang aktres sa entablado, nagbitiw siya ng salitang hindi kanais-nais kontra sa dalawang nakaupong pulitikong pinatambisan niya, talagang nagmalabis ang kanyang dila sa pagkakataong ‘yun.

Tama ring dapat maturuan ng leksiyon si Alex sa pagiging taklesa, maraming beses na kasi siyang pinapansin ng publiko sa mga wala sa tiyempo niyang hirit sa TV, pero parang wala lang para sa kanya ‘yun.

Nagkamali si Alex, nakapanakit siya ng damdamin ng mga pulitiko, lalo na ng mga tagasuporta ni Mayor Edwin Olivarez at ng tumalo sa kanyang tatay sa pagka-mayor ng Taytay.

Ang nagkamali ay kailangang humingi ng dispensa, ‘yun lang ang aksiyon na katapat ng ginawa niya, pero sana’y huwag nang kinakaladkad pa ang relihiyon ng magkapatid sa usaping ito.

Itabi na lang sana ang usapin ng relihiyon dahil hindi naman kasalanan ng kanilang sekta ang pagmamalabis ni Alex Gonzaga. At si Alex ang naging taklesa, hindi naman nakisali si Toni, kaya dapat ay isentro na lang ang mga negatibong komento sa kung sino ang nagkamali.