Abante Tonite Interactive

Male personality malaki ng inggit sa sikat na aktor

931

Matindi naman pala kasi ang nararamdamang insecurity ng isang kilalang male personality sa isang sikat na aktor ng kanyang ­panahon. Kaya naman pala ito ang pinuruhan niya nang husto sa kanyang mga pagkukuda.

Matagal na palang mainit ang male persona­lity sa pamosong aktor, hindi niya gusto ang kanyang mga naririnig na kuwentong matulungin ito, itinuturing na idolo ng maraming artistang walang trabaho ang sikat na aktor.

Kuwento ng isang source, “Sa dinami-dami ng mga artista ngayon, e, sumentro lang siya du’n sa sikat na aktor. Bakit du’n lang, e, hindi naman siya inaano nu’ng tao?

“Kasi nga, e, matagal na siyang insecure sa taong ‘yun, ang gusto niya kasi, e, siya ang gumagawa ng ganu’n sa mga kasamahan nilang artista!

“Kaso, ang nakakuha ng kredito, e, ‘yung sikat na aktor, ang dami-dami niyang natutulungang walang kayod na artista, kaya may inggit factor sa kanya ‘yun!” kuwento ng aming impormante.

Wala nang maaasahang suporta mula sa istasyon ang kilalang male personality, maging ang kanyang mga mahal sa buhay ay mukhang nagdedelikado na rin, dahil sa kung anu-anong upak at rebelasyon niya laban sa istasyon.

Bodyguard ni Geronimo sablay

Dumulog kay Raffy Tulfo ang close-in security ni Sarah Geronimo na si Jerry Tamara. Hindi siya bumibitiw sa kanyang ­unang ­sinabi, sinapak daw siya sa ­bandang leeg ni ­Matteo Guidicellie, hindi raw ­totoong tinapik lang siya nito sa balikat.

Nu’ng mga oras na ‘yun ay nanonood ng Wanted Sa Radyo ang isang boxing enthusiast, hindi ito naniniwala sa mga akusasyon ng security, ­kasinungali­ngan daw ang kanyang mga ­sinasabi.

Sabi ng source na may kaalaman sa boxing, “Sabi niya, e, sa leeg daw siya sinapak ni Matteo! Galit na galit daw kasi sa kanya, ayaw siyang papasukin sa restaurant kung saan nagdi-dinner ang mga bagong kasal.

“Sa laking ‘yun ni Matteo at ensayado pa ang katawan, kung totoong sinapak siya sa leeg, e, siguradong tulog siya! ‘Yun ang iniiwasan ng mga boxers!

“Iwas na iwas silang mapangahan at tamaan sa leeg dahil may mga ugat tayo du’n! Kung totoo ang sinasabi niyang sinapak siya ni Matteo, bakit gising na gising siya?” sabi ng boxing enthusiast.

Ang sabi ni Jerry Tamara ay hindi raw niya alam ang cellphone number ni Sarah, sila lang daw ni Mommy Divine ang nagtatawagan at nagte-text, pero sa maraming pagkakataon ay sumasablay ang mga ­pahayag ni Jerry Tamara.

Si Raffy Tulfo pa naman kapag nagtanong nang paulit-ulit, may dahilan ‘yun, sinisigurado ng matapang na news anchor kung consistent ang kanyang ­iniinterbyu.

Sablay si Jerry Tamara, sinabihan daw kasi siya ni Sarah na mauna na, kaya ipinaalam niya agad ‘yun kay Mommy Divine bilang close-in security ng aktres.

Hindi pala niya alam ang cellphone number ni Sarah, hindi rin alam ng singer-actress ang kanyang numero, kaya paano sila nagkaroon ng komunikasyon?

Tahasang sinabi ni Boss Vic del Rosario na walang naganap na sapakan, ‘yun daw ang sinabi sa prodyuser ni Sarah, dahil hindi naman naghihiwalay nu’ng mga panahong ‘yun ang mga bagong kasal.

Hindi rin nakaganda para sa kampo ni Mommy Divine ang ­pagpapainterbyu ng close-in security ni ­Sarah, siya mismo ang naglabas ng rebelasyon na ­pagpasok pa lang sa function room ng ina ng aktres ay agad nang nagsisigaw kito, “Mga walanghiya kayo! Mga ­traydor kayo!”

Natural lang na mabigla ang pamilya ni Matteo sa kanilang nakita at narinig, lalo na nang magbasag na ng mga pinggan si Mommy Divine, talagang nagkaroon ng komosyon na si Boss Vic del Rosario ang namagitan.

Kasama sa mga unang plano ng mga bagong kasal ang pagbili ng mga personal na kagamitan ni Sarah, wala itong nadala, dahil sa pag-iingat na malaman ng kanyang pamilya ang plano nilang pagpapakasal ni Matteo nu’ng Huwebes nang gabi.

Isang araw, ang mga pangyayaring ito ay ­magiging kuwento-kuwento na lang, magkakasundo rin si Sarah at ang kanyang mga magulang.

At wala nang ­pamimilian ang kanyang pamilya kundi ang tanggapin na rin si Matteo, ang lalaking nakipaglaban para sa kanya, lalo na kapag may karga-karga na silang sanggol na produkto ng kanilang pagmamahalan.