Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality maligalig ang ex

0 152

Natagpuan na nga siguro ng isang kilalang male personality ang babaeng gusto niyang makasama habambuhay. Tahimik ang kanilang relasyon, walang kontrobersiya, maligaya silang pareho.

Naninibago ang male personality sa buhay niya ngayon, wala nang nanggugulo sa kanya, walang kung anu-anong bintang na ibinabato laban sa kanya.

Kuwento ng aming source, “Sila talaga ang pinagtagpo dahil nagkakasundo hindi lang ang puso nila kundi pati ang takbo ng utak nila. Naiintindihan nila ang trabaho nila, lalo na ngayong pandemya, may peace of mind na ang male personality.

“Talagang maninibago siya dahil puro problema ang inabot niya sa ex niya, matindi ang pinagdaanan niya, mabuti na lang at nakaalpas siya!” unang komento ng aming impormante.

Busy ang male personality, abala rin ang kanyang girlfriend, pareho silang hindi nababakante sa trabaho. Pero ano ang ginagawa ng face time, ng pagtatawagan nang ilang oras sa telepono, para na rin silang magkasama araw-araw.

Kuwento uli ng aming source, “Iba talaga kapag makabuluhan ang pinagkakaabalahan, walang nagiging problema. ‘Yung girl, bukod sa pag-aartista niya, e, nag-aaral din.

“Disiplinado ang girl, wala siyang sinasayang na panahon. Ganu’n din naman ang guy, professional, walang nagiging problema sa kanya ang production.

“Nagkikita lang sila kapag pareho na silang libre lalo na ngayong pandemya na naka-lock in taping sila. Maganda ang relasyon nila, iba talaga kapag may meeting of the minds,” dagdag na komento pa ng aming source.

Napapansin ng kanyang mga kaibigan at katrabaho ang kakaibang kaligayahang nakikita nila sa male personality na dati’y problemado at parang pasan-pasan sa kanyang balikat ang problema ng buong mundo.

Sabi ng aming source, “Tapos na ‘yung time na palagi siyang malungkot, walang peace of mind, madaling mabugnot! Ngayon, talagang kitang-kita nang maligaya siya, kasi nga, wala silang problema ng girlfriend niya na napakaayos, walang bisyo,” napapailing na pagtatapos ng aming impormante.

SM food to go Banner Ad

Cesar muntik matsugi sa virus

Napakatindi pala ng pinagdaanang laban ni Cesar Montano nang tamaan siya ng COVID-19. Barado na ang kanyang lalamunan, hirap na siyang huminga, akala ng aktor ay ‘yun na ang kanyang katapusan.

Maingat sa kanyang kalusugan si Cesar, hindi siya makarne, gulay ang paborito niya at wala rin siyang bisyong makasisira sa kanyang katawan.

Araw-araw halos siyang nagba-bike, malalayo ang kanyang biyahe, kaya hindi niya sukat-maisip na tatamaan pala siya ng virus.

Sabi ni Cesar nang maging panauhin namin siya ni Romel Chika sa Cristy Ferminute, “Kahit sa bahay, maingat ako, pero naalala ko, kapag nagba-bike ako, e, umiinom ako ng fresh buko. Tumatabi muna ako, tatapusin ko ang pag-inom, takbo na uli ako.

“Siguro, sa isa sa mga panahong ginawa ko ‘yun, e, du’n ako nakakuha ng virus. Kumpleto naman ako sa health protocols, bihira lang akong lumabas, kapag nagba-bike lang ako,” pag-alala ng magaling na aktor.

May matinding bilin si Cesar sa ating mga kababayan. Napatunayan niya nang magkasakit siya na maganda pala ang pagtulog nang nakadapa. Naka-relax daw ang ating lungs kapag ganu’n.

“Ganu’n akong matulog, nakadapa ako, sinabi ng doktor ko na nakatulong daw sa akin ang ganu’ng position sa pagtulog. Salamat dahil hindi ako na-intubate, pero matindi ang pagbabantay na ginawa sa akin ng doktor ko.

“Second life ko na ito. Akala ko talaga, katapusan ko na. At ngayon ko mas napatunayan na may Diyos na kasama natin sa laban.

“Hindi pa tapos ang misyon ko, marami pa akong dapat gawin, kaya niregaluhan pa ako ng panibagong buhay,” seryoso at sinserong pahayag ni Cesar Montano.

Leave A Reply

Your email address will not be published.