Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality minaliit ang 2 network

0 1,452

Pinaliit ng isang male personality ang kanyang mundo. Isa siya sa mga personalidad na nag-akalang may forever.

Naikot niya na ang lahat ng istasyon, pero kapag iniinterbyu siya tungkol sa mga pinagtrabahuhan niyang network ay hindi niya mapigil ang matabil niyang dila, masyado siyang makuda.

Tanong ng aming source, “Ngayong inalat ang career niya, e, saang TV network naman kaya siya lulundag? Isa pang tanong, may tatanggap naman kaya sa kanya?

“Nu’ng lumipat siya sa kasalukuyang niyang network, e, nagsalita siya laban sa dalawang istasyong pinanggalingan niya. Minaliit niya ang mga nagawa sa kanya nu’ng dalawang istasyon.

“Todo-puri siya sa nilipatan niyang network, du’n na raw matutupad ang mga pangarap niya na hindi naibigay sa kanya ng mga bakurang pinagserbisyuhan niya nang matagal ding panahon,” unang sultada ng aming impormante.

Maraming nagsasabing may kaangasan ang male personality na ito na dating karelasyon ng isang young actress. Pinaghigpitan niya ang girl, wala itong kalayaang sumama sa kanyang mga kaibigan, bossy ang male personality.

“Ayun, nnu’ng hindi na makatagal ang girl sa sobrang kahigpitan niya, e, nakipaghiwalay sa kanya. Insecure daw kasi ang male personality, sobrang seloso, kaya hindi niya masakyan ang ugali.

“Galit na galit siya sa isang kaibigang becki ng girl, nu’ng tanungin kasi ‘yung becki kung bakit hiniwalayan ng girl ang male personality, ang pabiro niyang sagot, e, taga-duty free daw ang may kaangasang aktor.

“Galit na galit siya sa becki nu’ng makarating sa kanya ang kuwento, hinanap niya ang becki, parang gusto niyang sapakin!

“Sobrang insecure nga ang maangas na male personality, marami siyang kuda, kaya maraming naiinis sa kanya! Paano na siya ngayon?

“Saan na siya pupunta? Sarado na ang work place niya? Kasi naman! Maigsi ang memorya niya sa pagpapasalamat sa mga nakatulong na istasyon sa kanya!

“Kasing-igsi ng memory niya ang name niya!” napapailing na pagtatapos ng aming source.

Kim may pangitain kina Teri, Phillip

Napingasan na naman ng isa ang mundo ng komedya sa pagpanaw ni Kim Idol. Ilang taon na niyang iniinda ang madalas na pagsakit-sakit ng kanyang ulo.

Ang akala niya nu’ng una ay migraine lang ang dahilan, pero nang sumailalim siya sa MRI ay may problema pala siya sa utak, ipinakita pa niya sa amin ang resulta ng kanyang mga x-ray.

Pero parang wala lang sa kanya ‘yun, masayang-masaya pa rin siyang umaakyat sa entablado ng Zirkoh at Klownz, nagpupuyat magdamag.

Totoo ang merida kapag malapit nang magpaalam ang tao, dalawang kasamahan niyang komedyante ang kanyang pinagpaalaman, sina Phillip Lazaro at Teri Onor.

Puro tema ng pamamaalam ang kanyang sinasabi, pero hinahaluan niya pa rin ‘yun ng pagkokomedya, ngayon na lang nalaman nina Phillip at Teri na seryoso pala siya.

Ang kanyang ina ang pakiusap niya sa kanyang mga kasamahan sa trabaho na kapag nawala siya ay huwag pababayaan. Mahal na mahal ni Kim Idol ang kanyang nanay.

Ilang buwan bago pumanaw ang komedyante ay naglingkod pa siya bilang frontliner. Bukal sa kanyang puso ang pagtulong sa mga kababayan nating may coronavirus, hindi niya inalala ang kanyang kalagayan, masaya siya sa kanyang ginagawa.

Markado ang atake ni Kim Idol sa pagkokomedya. Siya ang nag-iisang gumagaya sa huni ng dinosaur. Pinapalakpakan siya, kinaaaliwan, maraming malungkot na puso ang kayang ginamot sa uri ng kanyang pagkokomedya.

Ang pakikiramay po namin sa lahat ng iniwan ng payasong si Kim Idol.

Leave A Reply

Your email address will not be published.