Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality nag-ilusyon sa hunk actor

0 101

Nakakaloka ang mga kuwento ng aming source at ng kanyang mga katropa. Tungkol ito sa isang male personality na paunti-unti ay nakilala rin dahil sa husay niyang umarte.

Pero kilalang-kilala na pala siya ng barkadahan, hindi pa siya nag-aartista ay nagkakasama-sama na sila, kaya wala na siyang maitatagong kahit ano.

Kuwento ng aming source, “Matagal na talaga niyang hilig mag-artista, kaya lang, hindi niya alam kung kanino siya lalapit. Matindi ang pangarap niyang sumikat, kaya lang, paano nga raw ba siya magsisimula?

“Marami na siyang nilapitan, pero ramdam daw niya na may iba munang gustong kunin sa kanya ang mga nakakausap niya bago siya tulungan. Natural, ayaw niya, umiiwas siya!” pabitin na buwena-manong sultada ng aming impormante.

Akala ng tropa ay ayaw niyang pumayag dahil matindi ang kanyang prinsipyo. Gusto niyang sumikat nang hindi niya ipinauubaya ang katawan niya sa mga tutulong sa kanya.

Balik-kuwento ng aming source, “’Yon ang akala ng mga katropa niya, matindi ang pag-ayaw niya dahil wala sa utak niya ang ipuhunan ang katawan niya! Pero hindi naman pala ‘yon ang totoong dahilan.

“Ayaw niya pala dahil iisa lang ang hanap nila ng mga becking nakakausap niya. Hindi siya pumapayag na ibigay ang body niya, kasi nga, miyembro rin siya ng federacion!

“’Yon ang reason kung bakit nagtagal bago siya nabigyan ng break, ayaw niya talagang pumayag na katawan muna bago ang kasikatan niya,” agad na kuwento ng aming impormante.

May madalas pala siyang tawagang hunk actor nu’ng hindi pa siya nakikilala na binebentahan niya ng kung anu-ano. May cellphone, may gulong ng sasakyan, may mga kagamitan sa bahay at kung anu-ano pa.

Patuloy ng aming source, “’Yon ang pinagkakaabalahan niya, ang pakikipag-usap sa hunk actor, kung anu-ano ang ibinebenta niya du’n sa guy na type na type pala niya!

“Wala naman talaga siyang ibinebenta, nagpapanggap lang siya para meron silang mapag-usapan ng hunk actor. Nu’ng finally, e, may inorder sa kanya ang guy, binili lang niya ‘yon, wala siyang stock, para lang magkita sila!

“Ibinagsak niya talaga ang presyo, nagpakalugi talaga siya, gusto pa nga niyang ibenta nang hulugan ang mga inorder na gulong sa kanya para pabalik-balik siya sa paniningil!

“Kaso, one time, big time ang gusto ng guy, ayaw niya sa hulugan, para matapos na lang ang kanilang usapan! Hindi nagwagi ang male personality na makuha ang gusto niya sa hunk actor, iniwasan na kasi siya, ayaw na siyang kausapin!

“Hay! Para lang bula ang ilusyon niya na nawala rin agad. Ganu’n naman talaga ang bula, mahipan lang ng hangin, waley na!” humahagalpak na pagtatapos ng aming source.

Leave A Reply

Your email address will not be published.