Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality naghamon ng kuwentahan sa manager

0 128

Napakaraming nanghihinayang sa pagkadiskaril ng karera ng isang guwapong male personality. Kung gaano siya kainit nu’n ay para namang singlamig na ng yelo ang estado ng pag-aartista niya ngayon.

Totoo nga na sa isang pagkakamali lang sa pagdedesisyon ay puwedeng bumagsak ang kabuuan. Maaga kasing naniwala ang male personality na kayang-kaya na niyang buhatin nang mag-isa ang kanyang popularidad.

Kuwento ng aming source, Kapag ang personality, e, natuto nang makipagkaibigan sa calculator, siguradong matututo na siyang magbilang. Puro numbers na ang tinututukan niya.

“Mahirap ang ganu’n. tama lang na hanapin niya ang pinagpapaguran niya, pero ang sumahin ang pera niya at ang halagang napupunta sa iba, tulad ng manager niya, e, makasisira ‘yun sa kanya,” unang paalala ng aming impormante.

Ganu’n pala mismo ang kinauwian ng relasyon ng male personality at ng mga taong nangangalaga sa kanyang career. Naghamon siya ng kuwentahan.

Patuloy ng aming source, “Dumating siya sa office ng manager niya na may kasamang abogado. Du’n pa lang, e, medyo hindi na maganda ang dating, dahil kinailangan niya agad kumuha ng lawyer sa pag-uusap nila ng mga nangangalaga sa career niya.

“Ikalawa, may kasama rin siyang accountant, mas nakakaloka ‘yun, dahil talagang handa na siyang makipaggiyera! Parang pera-pera lang ang dahilan.

“Natural, may kani-kanyang calculator sila. Lumalabas na sobrang nanghihinayang ang male personality sa kinakaltas na amount ng opisina ng manager niya sa mga kinikita niya.

“Natural! Alangan namang ginagastusan siya ng kumpanya nang walang nakukuhang commission mula sa kanya! ‘Yun naman talaga ang usapan. Sa bawat trabahong makukuha sa kanya ng management niya, meron makukuhang komisyon mula sa talent fee niya!

“Sigurado ngayon, e, naiisip na rin ng kampo ng male personality na maling hakbang ang ginawa nila. Nakipaglinawan na lang sana sila, nakiusap na bawasan ang commission, hindi ‘yung putulan agad ng tulay ang ginawa niya!

“Sayang na career, sayang na popularity, biglang nabawasan ang ningning ng bituin niya. Napag-iwanan tuloy siya ng mga ka-contemporary niya,” nakairap na pagtatapos ng aming source.

Wilma ‘di sumuko sa relasyon

Hindi lang pangalawang glorya ang dumating sa buhay ng magaling na modelo-komedyanang si Wilma Doesnt. Pinagpatung-patong na glorya ‘yun dahil nu’ng kanyang kaarawan mismo ay nag-propose na ang labing-apat na taong karelasyon niyang si Gerick Livelo Parin.

Sabi ni Wilma, “Hindi kasi ako sumuko. Hindi ako naging duwag sa pakikipagrelasyon. Sabihin na nating nagkaroon ako ng mga maling decision, pero hindi ko pa rin masasabing pagkakamali ‘yun dahil may iniwang mga anak sa akin.”

Kinuntsaba ni Gerick ang kanyang mga anak at kaibigan, pinapunta siya sa bar para kunwari’y kausapin ang kliyenteng magpapa-cater sa isang okasyon, pero proposal pala ang magaganap.

Mahusay sa buhay si Wilma. Maaga pa lang, basta wala siyang taping at shooting, ay nasa palengke na siya para mamili ng mga kakailanganin sa kanilang karinderya. Ang kanyang mga anak ang serbidora, siya ang humahawak ng budget at marketing, si Gerick naman ang nagluluto.

“Kailangang marunong tayo sa buhay lalo na ngayong pandemic. Nagrarasyon din ako ng packed food, nagke-catering, basta marangal at legal, pinapasok ko ‘yun!” mapagkumbabang sabi ng komedyana.

Pinaghahandaan na nila ngayon ni Gerick ang kanilang pagpapakasal sa March 22, 2022. ‘Yun din ang petsa ng anibersaryo ng kanilang pagkikilala labing-apat na taon na ang nakararaan.

Nadiskubre si Wilma ng isang fashion designer habang nagwawalis sa kanilang bakuran nang nakapayong. Ayaw niyang mapaso sa init ng araw, ayaw niyang umitim ang kanyang kutis, kaya siya nakapayong habang nagwawalis.

Leave A Reply

Your email address will not be published.