Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality naghihirap

0 226

Kung nag-ingat lang ang isang kilalang male personality ay hindi sana niya inaabot ang ganito kahirap na buhay. Wala siyang trabaho, umaasa lang siya sa mga biyayang bigay ng kanyang mga kapamilya, nakapanghihinayang ang inabot niyang popularidad.

Nu’ng kasagsagan ng kanyang panahon ay mabentang-mabenta siya sa pelikula. Meron siyang ka-loveteam, kinagat ng taumbayan ang kanilang tambalan, pero nagpabaya ang aktor sa kanyang career.

Kuwento ng isang source, “Ang ganda-ganda ng takbo ng career niya nu’ng bata-bata pa siya. Isa siya sa mga kinakikiligan ng mga kolehiyala. Guwapo kasi siya, magaling sumayaw, nakaaarte rin siya.

“Pero napasama siya sa isang klase ng grupong hindi nangangarap. Napasama siya sa isang male singer na puro bisyo lang ang nasa utak. Ayun, lumalim ang pagbibisyo niya.

“Napabayaan niya ang career niya, ang pamilya niya, pati ang sarili niya,” umpisang kuwento ng aming impormante.

Sa kanyang kalagayan ngayon ay umaasa na lang ang male personality sa kung anumang biyayang maibibigay sa kanya ng mga taong nagmamalasakit at nagmamahal sa kanya.

“May pamilya rin naman kasi ang mga taong sumusuporta sa kanya, pero hindi siya natitiis. Binibigyan siya ng pambili ng gamot dahil maysakit nga siya. May nagbibigay rin ng pera sa kanya para may pangtustos siya sa araw-araw.

“Sinayang talaga niya ang napakagandang opportunity na ibinigay sa kanya ng showbiz. Wala siyang prayoridad sa buhay, matigas ang kanyang ulo, naging makulit siya sa kawalan ng disiplina,” pagtatapos ng napapailing naming impormante.

Kris umandar ang power trip

Walang natututuhang leksiyon sa buhay si Kris Aquino. Maraming beses na siyang bumagsak at nabigo sa aspeto ng kanyang personal na buhay at karera pero wala siyang leksiyong napupulot mula sa kanyang mga karanasan.

Literal siyang itinaboy palabas ng ABS-CBN, nagtangka siyang makapasok sa GMA-7 sa pagmamaniobra ng kanyang mga kaibigan pero hindi man lang siya nakatungtong sa opisina ng mga ehekutibo ng network, ipinagbanduhan niya ang isang show na gagawin niya sa TV5 pero hindi rin ‘yun natuloy.

Malaking tandang-pananong ang mga negatibong nangyayari sa kanyang career, naghahanap ng sagot ang mga nang-uusisa, ngayon ay alam na namin ang dahilan kung bakit.

Hindi pa rin nakikipagkilala si Kris Aquino sa pagpapakumbaba, bitbit pa rin niya ang pagpa-power trip na dati na niyang ginagawa, mayabang pa rin si Kris Aquino.

Ang pinakahuli niyang pinagtripan ay ang nakaaaliw na entertainment host na si Mr. Fu. Dapat sana’y makakasama namin nina Mr. Fu at Manay Lolit Solis si Kris sa isang proyektong iisponsoran ng Puregold.

Plantsado na ang lahat, magsisimula na dapat kami sa Linggo, pero isang pag-iinarte na may sangkap na kayabangan ang pinalutang ni Kris.

Ayaw niyang makasama si Mr. Fu, hindi raw niya kilala ang radio host na nagpasikat ng linyang “Me Gano’n!”, hindi rin daw namin ka-level ang co-host namin ni Manay Lolit sa digital talk show na Take It, Per Minute… Me Gano’n.

Umandar na naman ang minantikaang dila ni Kris sa pangmamaliit at pangmemenos sa kapasidad ng kanyang kapwa. Kung ano ang kanyang gusto ay kailangang masunod.

Bumaklas kami sa proyekto, hindi namin gustong makasama sa trabaho ang isang tulad ni Kris na pinagdadamutan na nga ng kapalaran ang career ay mayabang pa rin, nagpapairal pa rin ng pagiging bratinella.

Sumunod na bumaklas ay si Manay Lolit na nakipaglaban pa para kay Mr. Fu, pero ang tanging isinagot ni Kris ay bibigyan lang muna ng pagkakataon si Mr. Fu kung makakasundo namin sa hosting, parang OJT lang ito sa palabas.

Ngayon ay alam na namin ang dahilan kung bakit hindi natutuloy ang mga programang dapat sana’y gagawin ni Kris. Inaaway niya pati ang mga taong namumuhunan para sa kanya, nagkakaproblema sila ng kanyang mga prodyuser, at siya ang kailangang masunod sa lahat ng lalamanin ng programa.

Ilang beses na siyang nadadapa pero sa kanyang pabangon ay wala pa rin siyang natututuhang leksiyon, pakiramdam ni Kris Aquino ay siya pa rin ang nasa ituktok ng tatsulok.

Leave A Reply

Your email address will not be published.