Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality nangutang ng pambisyo

0 267

Totoong nasa huli nga ang pagsisisi. ‘Yun ang nararamdaman ngayon ng isang kilalang male personality na maraming sinasayang na taon sa kanyang buhay.

Hindi naman kaila sa marami na maaga siyang nagpadala sa kaway ng bisyo. Sayang na sayang siya, komento ng marami, dahil hindi lang naman siya sa pagkanta maaasahan kundi pati sa pag-arte.

Kuwento ng aming impormante, “Talagang napakarami niyang sinayang na panahon. Pati sa pakikipagrelasyon, marami siyang sinayang! Sinikap ng mga naging girlfriend niya na maisalba siya sa bisyo, pero wala ring nangyari.

“Pinabayaan niya ang sarili niya, ang career niya, bigong-bigo sa kanya ang family niya na kilalang angkan sa showbiz,” unang hirit ng aming source.

Nu’ng kasagsagan ng kanyang pagbibisyo ay bigla na lang siyang dumarating sa set ng pelikula ng mga kaibigan niya. Laman din siya sa taping ng mga itinuturing na niyang kapatid.

Patuloy ng aming source, “Gusgusin ang itsura niya, literal na hindi naliligo, pumupunta siya du’n para mangutang ng pangbisyo niya. Hindi naman nagkukulang ang mga friends niya, pinangangaralan siya, pero wala siyang pinakikinggan.

“Matagal siyang naghihintay sa set, hindi siya umaalis, waiting siya talaga sa iaabot ng mga kaibigan niya. One time, ipinag-pray over pa nga siya ng isang friend niyang nagmamalasakit at nagmamahal sa kanya.

“Nagdasal din siya, parang napakaseryoso nga niyang magdasal. Pero hindi rin siya nakuha sa dasal, nagpatuloy pa rin siya sa bisyo niya. Kaya napakaraming nanghihinayang sa kanya,” kuwento uli ng aming source.

Ilang female personalities na rin ang nakarelasyon niya, pero nauwi lang ‘yun sa wala, maganda sa simula pero sa hiwalayan din ‘yun natuloy.

Pero maraming natutuwa para sa male personality ngayon, malaking-malaki na ang kanyang ipinagbago, mukhang tinalikuran na niya ang bisyong sumira sa kanyang buhay at career.

Sabi ng aming source, “Mga kaibigan ko ang production staff ng seryeng ginagawa niya ngayon. Hindi siya nale-late, palaging take one ang mga eksena niya. Nasa huli talaga ang pagsisisi, ang dami niyang sinayang na panahon sa buhay niya.

“Lumaki lang siya, pero mahahabol naman niya ‘yun sa exercise, ang importante, e, nagbago na siya,” pagtatapos ng aming source.

Manny ‘inupakan’ sa agaw-datung

Binibira na naman ngayon si Senador Manny Pacquiao. Kahit kaninong panlasa naman kasi ay hindi talaga maganda ang ginawa niyang pagpapaagaw ng pera sa ating mga kababayan.

Hindi naman bawal ‘yun kung tutuusin, hindi pa naman pormal na nagsisimula ang kampanya para sa mga kakandidato sa mataas na posisyon, pero bina-bash pa rin ang Pambansang Kamao.

Sabi ng kaibigan naming tutok na tutok sa galawan ng mga kakandidatong pangulo, “Kinilabutan ako nu’ng mapanood ko ang footage habang naghahagis siya ng mga lilibuhin sa mga tao.

“Kung sinuman ang nagbulong sa kanya na tama ang paghahagis ng pera, e, kailangan niyang sisihin ‘yun. Sisihin din niya ang sarili niya dahil bakit naman siya pumayag?

“Mahalay tingnan. ‘Yung iniaabot na nga niya ang pera tulad nu’ng minsan niyang ginawa, e, nakatikim na siya ng mga upak, ito pa kayang ihinahagis niya na ang pera para sa mga supporters niya?” tanong-opinyon ng aming kausap.

Bilyonaryo nga si Pacman. Malalim ang balon ng pampuhunan niya sa pagkandidato sa pinakamataas na posisyon sa ating pamahalaan. Pero tama bang maghagis siya ang pera?

Gusto lang niyang makatulong dahil sa pandemya, maraming pamilyang nagugutom, ‘yun ang alam niyang paraan ng pag-ayuda.

Pero hindi pa rin magandang tingnan, parang pailalim niyang sinasabi na pera-pera lang ang labanan ngayong eleksiyon, lalo na’t maraming dati niyang tauhan ang naghahabol sa mga obligasyon niyang napabayaan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.