Abante Tonite Interactive

Male personality napagkakamalang suplado

0 288

Dahil sa ibang bansa lumaki ang isang male personality ay hindi pa niya masyadong kabisado ang kultura ng bansang pinagkakakitaan niya ngayon. Naninibago pa siya, nag-a-adjust, kailangan niyang gawin ‘yun dahil nandito ang kanyang kabuhayan showcase.

Isang source ang nakakakilala nang mula ulo hanggang paa sa kilalang male persona-lity ang nagpapatunay na hindi siya suplado. Mabait daw ang guwapong personalidad pero naninibago lang sa kanyang kapaligiran.
Kuwento ng aming source, “Very nice ang batang ‘yun, offcam, makikita mo ang totoong ugali niya. ‘Yung popularity na sinasabi natin ngayon? Walang-wala sa kanya ‘yun!

“Ni hindi nga niya nararamdaman na sikat na pala siya, hindi ‘yun pumapasok sa ulo niya, kaya hindi totoong nalulunod na siya sa isang basong tubig.

“Malalaman kasi natin ang naturalesa ng artista kapag walang mga nakatutok na camera. Kapag oncam na kasi, e, best foot forward na sila, di ba? Pero kapag walang mga camera at ilaw, du’n natin makikita ang tunay na siya,” pagtatanggol ng impormante sa guwapong young personality.

Diretso kasing sumagot sa mga tanong ang young male personality, wala siyang paliguy-ligoy, diretso kung diretso ang tabas ng kanyang dila.
Patuloy ng a­ming source, “Sa ganu’n kasing kultura siya lumaki, hindi siya marunong magtago ng saloobin, kung ano ang nararamdaman niya, ‘yun ang sasabihin niya!

“Pero hindi ba, mas maganda na ang ganu’n kesa naman sa plastic? Wala sa bokabularyo niya ang ganu’n, sinasabi niya talaga ang gusto niya nang hindi naman siya sadyang nananakit ng kapwa niya.

“Sana, makilala rin nila ang totoong ____ (pangalan ng guwapong young personality), mamahalin nila ang ba-gets, promise ‘yun, dahil totoong tao siya!” papuri pa ng aming source.

Pili na lang tayo ng kulay na malapit na malapit sa kanyang pangalan. Red, white at blue.

Manok ni Atong Ang tinayuan ni Greta

May sabungan sa Resorts World. Tama, sabungan nga, derby ang ginaganap sa napakasosyal na hotel at casino. Maraming nagkukuwento sa amin na madalas du’n si Gretchen Barretto.

Mismo! Lumalarga rin sa pula at sa puti ang bonggang-bonggang aktres, pero ang mga manok lang ng businessman na si Atong Ang ang kanyang pinupustahan, wala nang iba pa.

Madalas niyang kasama sa sabu-ngan ng Resorts World ang mga kaibigan niyang anak ni Tita Dolor Guevarra, sina Jaypee at Vanessa, naiiwan lang sa restaurant si Tita Dolor dahil palagi raw talo ang manok kapag nanonood ang manager.

Kuwento ni Jaypee, “‘Yung ginagawang sabong sa Resorts World, e, malakihan. Derby ‘yun, puro milyonaryo ang mga pumupusta at owners ng mga manok na panabong.

“Hindi naman madalas ‘yun, may schedule lang, nagpupunta kami kasama si Gretchen na naglilibang lang naman. Naiiwan sa resto si mommy, niloloko kasi siya ni Gretch, olats ang manok ni Atong Ang kapag kasama namin siya, tawa nang tawang kuwento ni Jaypee Plata.

Pero bago n’yo husgahan si Gretchen Barretto bilang sabungera na kasama ang businessman na si Atong Ang ay kailangan n’yong malaman na kasama rin ni Gret-chen sa sabungan ang ilang dekada na niyang karelasyon na si Mr. Tony “Boy” Cojuangco.

Hindi siya nagpupunta sa Resorts World nang siya lang, kasama niya ang ama ni Dominique, pareho silang tumataya sa manok ni Atong Ang.

Sabi ng isang kaibigan naming nakakita kay Gretchen sa Resorts World, “Sabi, ang boyfriend ngayon ni Gretchen, e, si Atong Ang, di ba? Paano ‘yun, e, kasama rin niya si Mr. Tony Boy?

“Bakit magkasama naman ‘yung dalawang taong nauugnay sa kanya? Papayag ba naman si Mr. Tony Boy na magkarelasyon sina Gretchen at Atong, e, nandu’n din siya?” naguguluhang tanong-opinyon ng aming kaibigan.
Ha! ha! Ha! Ha!