Abante Tonite Interactive

Male personality napapraning sa mga nagtatawanan

By
3,490

Huminga muna kayo nang malalim. Paglaruin ang inyong imahinasyon. Kailangan n’yo ng focus para mahulaan n’yo kung sino ang pahuhulaan naming pamosong male personality sa kuwento.

Kinaiinggitan ang kanyang kasikatan, mara­ming nangangarap na maging siya rin, para matupad ang kanilang mga pangarap at ambisyon sa buhay.

Kuwento ng aming source, “Pero sa kabila ng lahat ng meron na siya ngayon, e, parang hindi naman siya maligaya. Halos nasa kanya na ang lahat-lahat, di ba? Pero bakit parang hindi siya masaya kapag nakakakita siya ng mga taong nagsasaya?

“Nu’ng minsang nakita niyang magkakaumpukan ang mga kasamahan niya sa trabaho na nagkukuwentuhan, e, bigla niyang pinatay ang industrial fan? Nagulantang siyempre ang lahat, ang init-init sa location nila, pero bakit sila pinagpatayan ng bentilador ng sikat na male personality?

“Simple lang ang dahilan. Ayaw niyang magkakakumpulan ang mga katrabaho niya, ayaw niyang may nag-iingay! Ganu’n lang! E, nu’ng may nakita nga siyang dalawang male persona­lities na tawanan nang tawanan, e, napraning na naman siya!

“Akala niya siguro, e, siya ang pinagtsitsismisan. Nilapitan niya ‘yung dalawa, tinitigan niya nang wagas na wagas, tapos, ang sabi niya, ‘Ano, masasaya na kayo ngayon?’

“Natural, nagulantang ang mga sinabihan niya, ano nga naman ang problema, e, hindi naman siya ang pinag-uusapan ng mga kasamahan niya? Maraming naloloka sa ugali ng sikat na male personality na ‘yun! Ibang klase siya!” madiing kuwento ng aming impormante.

Tinatawag ding Walkout King ang sikat na male personality. Kapag hindi nasusunod ang mga eksenang gusto niya ay nagagalit siya, umaalis siya sa set, matagal bago siya bumalik.

“Nagkaroon sila ng problema ng stunt director nila, may mga gusto siyang gawing eksena na malayo naman sa totoong buhay, kaya hindi siya sinunod. Nandu’n pa ba ang routine director nila? Wala na! Hindi na niya natiis ang pakikialam sa kanyang trabaho ng male personality!” pagtatapos ng aming source.

Natumbok n’yo na ba kung sino ang sikat na male personality na ito?

Kapayatan ni Jodi, kinaiinggitan

Kinaiinggitan ng kanyang mga kapwa artista ang kapayatan ni Jodi Sta. Maria. Sa panahong ito nga naman na kung anu-ano nang paraan ang ginagawa ng mga artista para hindi sila magmukhang siopao na sumobra sa pag-alsa ay napakasuwerte ng magandang aktres dahil hindi siya tumataba.

Walang problema si Jodi sa kanyang katawan, hindi na niya kailangang magpunta sa kahit anong clinic para magpa-liposuction, dahil parang hindi siya kumakain sa sobrang flat ng kanyang tiyan.

Habang nagkakaroon na ng mga puson at namumutok ang magkabilang pisngi ng kanyang mga kasabayang artista ay hayun naman si Jodi Sta. Maria, payat na payat, walang umbok sa tiyan at hindi namamaga ang mukha.

Pero marami ring nag-aalala para sa maganda at magaling na aktres, baka raw kasi sa sobrang payat niya ay mauwi na ‘yun sa anorexia nervosa, ang dahilan kung bakit pumanaw ang sikat na si Karen Capenter at pinaniniwalaan ding kumitil sa buhay ni Julie Vega.

Pero maganang kumain si Jodi, kapag nakakasabay namin siyang dumalaw kay Senador Bong Revilla sa PNP Custodial Center ay hindi naman siya tamilmil kumain, nakikipagsabayan siyang kumain nang magana sa ibang mga bisita.

May mga eksena sa kanilang serye ni Robin Padilla na kitang-kita na ang humpak sa kanyang leeg, pero ayon naman sa mga artista ay ‘yun daw talaga ang ideyal na timbang, dahil lumalaki ang itsura at bulto ng mga personalidad sa harap ng mga camera.

Ang mahalaga ay walang problema sa kalusugan ni Jodi Sta. Maria sa kabila ng kanyang kapayatan at maligaya siya sa piling ni Vice-Go­vernor Jolo Revilla.