Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality napasama sa kagipitan ng pamilya

0 82

May naalala ang isang source na nagtrabaho sa isang produksiyon kung bakit napuwersa ang isang kilalang male personality para humingi ng tulong na pampinansiyal sa kanyang karelasyon.

Ang una ay nasundan pa uli, hanggang sa nasundan na nga nang nasundan, hanggang sa nakasanayan na niyang manghingi ng tulong sa kanyang girlfriend.

Kuwento ng aming impormante, “Paano naman hindi mapipilitang magpatulong ang male personality sa karelasyon niya, e, panay-panay ang tawag sa kanya ng family niya para humingi ng pera!

“Sa totoo lang, alam namin ‘yon, marami kaming nakakaalam, dahil kapag nakikipag-usap siya sa mga kapatid niya, e, naririnig namin. Lumalayo pa nga siya, kaso, nandu’n naman kami na malapit lang sa kanya, kaya naririnig namin ang mga usapan nila!” unang sultada ng aming source.

Mayaman ang karelasyon ng male personality, nu’ng una pa lang ay hindi na kagandahan ang maririnig mula nang maging sila, datung lang daw ang habol ng aktor sa kanyang girlfriend.

Patuloy ng aming source, “’Yon na nga, ang image ng guy, e, user siya, ipinaglihi sa mangga, ginagamit lang niya ang mayamang female personality! Ganu’n na ganu’n ang nasa utak ng marami.

“Hindi naman siguro niya iniisahan ang girl, humihingi lang siya ng tulong kapag kailangan niya talaga, mabait kasi siya sa pamilya niya.

“Kapag lumalapit sa kanya ang mga kapatid niya, e, talagang tumutulong siya. Pero paano kung wala pa naman siyang hawak na datung? Paano ang gagawin niya? Saan siya kukuha? Kanino siya mangungutang o hihingi ng tulong?

“Du’n na siyempre papasok ang panghihingi niya ng tulong sa girlfriend niya! Utang kunwari ang ginagamit niyang salita, pero siyempre, lista na lang ‘yon sa tubig, di ba?

“Hindi naman siya user, nagkakataon lang na kailangan niya ng help, kaya nagsasabi siya sa karelasyon niya! Kaya nga lang, dahil sa paulit-ulit na ang panghihingi niya ng tulong, e, parang user na nga siyang lumalabas nu’n!

“Ayun, nagkahiwalay sila. Nagkaroon uli ng girlfriend ang male personality, pero ganu’n din ang nangyari, may-I-ask din siya ng help!

SM SuperKidsDay Banner Ad

“Madalas talaga, kagipitan ng pamilya ang dahilan kaya napapasama ang image ng personalidad, e! Nakakaawa naman siya!” napapailing na pagtatapos ng aming impormante.
-o0o-
Kris dakilang ermat nina Josh, Bimby

Dinisenyo ang espesyal na araw na ito para sa mga ina. Mama, nanay, mommy, mamay, inang. Sa anumang katawagan ay nais naming bumati sa kanilang lahat ng Happy Mother’s Day.

Nandito pa o wala na ang ating ina ay para sa kanila ang araw na ito. Napakasuwerte ng mga anak na kasama pa ang kanilang ina, meron pa silang pagkakataon na magsabi ng “I love you. Thank you. I’m sorry.”

Maraming personalidad na matatawag na mabubuting anak. Una sa kanilang listahan kaya sila nagsasakripisyo ay ang kanilang mga magulang.

Gusto naming batiin nang malayuan si Kris Aquino ngayong Mother’s Day. Marami siyang kakulangan at kalabisan bilang tao at artista, pero bilang ina, dakila si Kris sa aming pananaw.

Matagal namin siyang nakasama sa trabaho, humahanga kami sa ginagawa niyang pagtitilad-tilad ng oras sa kabila ng kanyang pagiging abala, huwag lang niyang mapabayaan sina Josh at Bimby.

Mag-isa lang siyang nagtataguyod sa kanyang mga anak, du’n pa lang sa aspetong ‘yon ay kasalu-saludo na ang TV host, hindi simpleng sinumpaang tungkulin ang kakambal niya sa araw-araw.

Ramdam na ramdam namin ang emosyon ni Kris ngayong meron siyang hinaharap na matinding paghamon sa kanyang buhay. Sina Josh at Bimby ang laman ng kanyang isip at puso.

Ginagawa niya ang lahat para siya gumaling para sa kanyang mga anak, babaligtarin niya ang mundo para makasama pa niya nang mahabang panahon sina Josh at Bimby, positibo kami na naririnig ng Diyos ang kanyang panalangin pati ang dasal ng maraming nagmamahal sa kanya.

Muli, sa lahat ng mga ina sa mundo, ang masarap po naming pagbati sa inyo ng Happy Mother’s Day.
Espesyal na pagbati sa aming dakilang ina sa langit. Isa siyang sugat na walang paggaling. Isang makabuluhang alaalang hinding-hindi namin maaaring kalimutan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.