Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality nilampasan ng mga baguhan

0 60

Maraming nanghihinayang sa talentong meron ang isang male personality na produkto ng isang talent search ng isang malaking istasyon.

Nu’ng una ay masigasig siya sa pagtatrabaho, wala siyang reklamo kahit pa halos wala na siyang pahinga sa dami ng ginagawa niyang proyekto, kaya naman mabilis siyang nakilala.

Pero nang magtagal ay parang bumitiw na siya sa kanyang mga pangarap, nawalan na siya ng focus sa trabaho, hanggang sa mapag-iwanan na siya ng kanyang mga kasabayan.

Kuwento ng aming source, “Hindi lang ng mga ka-contemporary niya, kahit ng mga baguhang artista, e, nilampas-lampasan na siya! Nakakapanghinayang ang sinimulan niya,” unang kuwento ng aming impormante.

Nawalan ng focus ang kilalang male personality, meron siyang ibang “pinagkaabalahan” na mas nakadagdag pa sa biglang pagbaba ng kanyang karera, may katigasan pala ang ulo ng male personality.

“Napagod na sa kapapayo sa kanya ang mismong manager niya, halos araw-arawin na nga siya sa kapapangaral, pero parang wala naman siyang naririnig. Parang okey lang sa kanya na nakatengga siya, e, kailangan pa naman niyang kumilos dahil sa kanya lang umaasa ang pamilya niya!

“Nawalan na siya ng ganang magtrabaho, kapag may offer na trabaho sa kanya, parang tinatamad siya. Ano nga naman ang puwede pang gawin ng manager niya kapag ganu’n ang alaga niya?” dagdag na kuwento ng aming source.

Pero iba na ang sitwasyon ngayon, isang matinding responsibilidad ang kailangang paghandaan ng male personality, hindi na niya kakayaning magpapetiks-petiks na lang ngayon.

Kuwento uli ng aming source, “Kapag hindi pa siya magsipag, kapag patuloy pa rin siyang nawalan ng focus sa career niya, e, nakakaawa naman ang umaasa sa kanya. Lalo na ngayon, may bagong hamon sa kanya!

“May dagdag na responsibility na kailangan niyang harapin dahil magiging tatay na siya! Mark my word, kapag nagtamad-tamaran pa siya ngayon, e, isang inosenteng kaluluwa ang siguradong mawawalan ng magandang kinabukasan!” napakadiing pagtatapos ng aming source.

Joke ni Bayani hihirit sa TV5 noontime show

Sa October 17 na ang unang sultada ng bagong noontime show na mapapanood sa TV5 sa pamamagitan ng Brightlight Production ni Congressman Albee Benetiz.

Isang henyong direktor ang mamamahala sa Lunch Out Loud na titimunan naman nina Billy Crawford, Alex Gonzaga, Wacky Kiray, K Brosas at ng magaling na komedyanteng si Bayani Agbayani.

Panalo ang taumbayan sa dagdag na programang mapapanood sa pananghalian, meron nang Eat… Bulaga at It’s Showtime ay heto pa ang Lunch Out Loud, maraming pagpipiliang tutukan ang mga kababayan natin.

Kay Bayani Agbayani pa lang ay siguradong mabubusog na ang manonood, nu’ng nasa I Can See Your Voice pa ang magaling na komedyante ay siya ang palaging inaabangan ng mga nakakausap namin, ang galing-galing kasi ng kanyang mga hirit.

Hindi namin makakalimutan ang kuwento ng isang kaibigan naming abogado, kuwento nito, “Alam mo naman ang buhay namin, maaga pa lang, e, nasa korte na kami for litigation, di ba?

“Meron na sa umaga, meron pa sa hapon, kaya pagod na ang utak namin, e, pagod pa ang aming katawan. Gabing-gabi na kaming nakauuwi dahil babalik pa kami sa law office, traffic pa, kaya hindi na kami pakikinabangan sa gabi.

“Minsan, habang nagbibihis na ako, e, binuksan ko ang TV. ‘Yung show nga ni Luis Manzano ang natiyempuhan ko. Kahit pagod na pagod ako, e, kinaya ko pang humalakhak dahil kay Bayani Agbayani.

“‘Yun ang kuwento niya tungkol sa nanay niyang itsinitsismis sa community nila na aswang daw. Napakaseryoso ng facial expression niya, pero grabeng mag-crack ng joke si Bayani!

“Mula nu’n, pinanonood ko na ang show ni Luis dahil kay Bayani. Inaabangan ko ang mga jokes niya na simple, pero rock!” kuwento ng kaibigan naming abogado.

Siguradong magiging sangkap ng pagho-host ni Bayani Agbayani sa Lunch Out Loud ang ganu’ng atake. Hindi dapat mawala ‘yun dahil markado siya ng publiko sa galing niyang magpatawa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.