Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality pasan ang pamilya

0 154

Matagal nang pinagpipistahan ang kuwento tungkol sa isang kilalang male personality na parang habambuhay nang may pinapasang krus sa kanyang balikat.

Maraming naaawa sa male personality dahil sa kanya lang umaasa ang kanyang pamilya kahit pa puwedeng-puwede namang magtrabaho ang mga ito dahil malalakas pa.

Paano nga naman ngayong panahon ng pandemya na apektado ang maraming artista? Matumal ang trabaho, may matanggap man silang proyekto ay hindi na tulad nang dati ang talent fee ng mga personalidad, kinakaltasan na?

Kuwento ng aming source, “Ano ba naman ‘yun? Talaga bang habambuhay na niyang susuportahan ang mga kapatid niya kesehodang pagkalalaki naman ng mga katawan nila para magbanat ng buto?

“May mga sumisisi rin sa male personality dahil pinamihasa raw kasi niya ang mga kapatid niya, hindi raw niya kinausap para magsipagtrabaho nang may makatuwang naman siya sa mga gastusin.

“Pero ginawa na pala niya ‘yun, pinakiusapan niya ang mga utol niya na kumayod din, sa kanya na nga ang puhunan, pero wala namang nakinig sa pakiusap niya!

“Nakakaawang male personality, iniaasa na lang sa kanya ang lahat-lahat, nagkakandakuba na nga siya sa katatrabaho, e, para lang kumain ang pamilya niya,” napapailing na kuwento ng aming impormante.

Wala na ngang tulong na ginagawa ang kanyang mga kapatid, ayon sa aming source ay matitindi pang magreklamo ang mga ito, meron silang patago sa male personality?

Patuloy ng aming source, “Naaalala n’yo pa ba ‘yung kuwento na kapag umuuwi ang male personality sa bahay nila after niyang magtrabaho, e, wala man lang siyang pagkain?

“Pagod na pagod na nga siya, puyat na puyat, pero wala man lang malasakit ang mga kapatid niya para ipagtabi siya ng makakain? Nakakaawa talaga siya, pero wala naman siyang magawa, dahil mas bata siya kesa sa mga kapatid niya!

“At marereklamo pa sila, ha? Akala yata nila, e, namumulot lang ng pera sa kalye ang kapatid niya! Hay, naku! Kung nandito lang sana ang mentor ng male personality, may makikipaglaban para sa kanya!

SM SuperKidsDay Banner Ad

“Nakakaawa naman siya, sa totoo lang, parang makina ng pera ang tingin sa kanya ng mga kapamilya niya!” naiinis na pagtatapos ng aming source.

Korina ‘di agad inuuwian ang mag-aama

Parang tinakaw lang ng kapalaran si Korina Sanchez nang mag-season break ang kanyang programang Rated Korina. Kung saan-saan din siya nagpunta, puro trabaho pa rin ang ginawa niya, dahil balik na naman siya sa himpapawid.

Kapag nagtatrabaho siya ay kailangan niyang mag-quarantine para sa kaligtasan ng kanyang mag-aama. Hindi muna siya umuuwi, si Kuyang Mar ang tumitingin sa kanilang mga anak na sina Pepe at Pilar, ganu’n ang ikot ng kanilang buhay.

“Sobrang magkaiba ang mga anak ko, ‘yung lalaki, malambing, pero ang babae, may katarayan, mukhang may pinagmanahan!” tumatawang kuwento ng magaling na news personality.

Hindi nila kinakausap sa Ingles ang kambal, napakatatas magsalita ng mga ito ng Ilonggo, dahil sa kanilang ama. Kapag umuuwi nga raw siya at nag-uusap ang kambal ay hindi na niya maintindihan ang mga sinasabi nina Pepe at Pilar.

Wala na siyang mahihiling pa sa takbo ng kanyang buhay ngayon. Meron siyang karerang hindi niya maaaring talikuran dahil mahal na mahal niya.

Pinupuri ng mga kababayan natin ang kanyang itsura ngayon dahil sa halip na magmukha siyang tumatanda dahil sa pagdaraan ng panahon ay parang mas bumabata pa nga siya.

At nand’yan sina Kuyang Mar, sina Pepe at Pilar na inilalarawan niya bilang suwero sa mga panahong sobra ang pagod niya sa pagtatrabaho.

“Simple lang. Kung saan-saan ako nagpupunta para sa mga materials ko sa Rated Korina. Nakikita ko ang takbo ng buhay ng mga kababayan natin. Sobrang hirap ang dinadanas nila.

“Sino ako para magreklamo pa sa buhay? Nakararaos tayo kahit paano, pero milyun-milyon ang nagdarahop sa buhay. Kapag naiisip ko ang buhay nila, e, isa lang ang nasasabi ko—we’re so blessed,” pahayag ng matapang, magaling at may paninindigang news personality.

Leave A Reply

Your email address will not be published.