Abante Tonite Interactive

Male personality pinababalik sa rehab

By
4,805

May kaun­ting hibla pa ng pag-asang nararamdaman ang mga nagmamalasakit at nagmamahal sa isang male persona­lity para sa kanyang pagbabago. Pabagu-bago kasi ang takbo ng kanyang isip, daig pa niya ang klima sa pagbabagu-bago ng takbo kapag may bagyo, kaya mahirap asahan na sa isang iglap lang ay magbabagong-buhay na siya.

Lantad naman ang dahilan, nagpatalo siya sa kaway ng bisyo, maraming persona­lidad na tumulong sa kanya pero maraming nabigo.­ Marami siyang hiling, ibinigay naman ‘yun sa kanya, pero sa bandang huli ay hindi pa rin niya isinasapuso ang pagbabago.

Kuwento ng isang source, “Napakasuwerte niya kung tutuusin dahil hindi biro ang gastos sa pagpapa-rehab. Hindi na ‘yun inintindi ng pamilya niya, ibang tao na ang gumawa para sa kanya, pero bakit kaya hindi niya pinahahalagahan ‘yun?

“Sabi niya, gusto raw niyang magtrabaho­ sa mismong rehab center, pinayagan naman siya. Tapos, parang nainip siya, gusto raw naman niyang umarte uli, magbabalik-showbiz daw naman siya.

“So, pinayagan uli siya. Kaso, nu’ng lumabas na siya, e, wala rin namang nangyayari, parang wala naman siyang plano sa buhay niya. Paano siya pagpaplanuhan ng mga taong nagmamahal sa kanya kung ganyan na siya mismo, e, wala namang concern sa buhay niya?” tanong-sagot ng aming impormante.

Palagi lang siyang walang kibo, parang wala siyang naririnig, kahit may kumakausap sa kanya. Payo ng kanilang mga kaibigan ay mas magandang ibalik na lang uli siya sa rehab para sa mas kumpletong pagbawi.

“Napakarami niyang sinasayang na pagkakataon, nakakapanghinayang ang mga opportunities na dapat, e, ine-enjoy na niya ngayon. Ang galing-galing pa naman niyang artista,” pagtatapos ng aming source.
***

JM-Barbie sobra na ang lambingan

May seryoso kaming nakakuwentuhan ilang araw na ang nakararaan. Nagtatrabaho ito sa isang network, maraming alam na kuwento ang aming kausap, katiwa-tiwala ang kanyang mga impormasyon.

Sa abot ng kanyang alam ay nakarating sa amin ang kuwento na mukhang nagiging sobrang close na ngayon sina JM de Guzman at Barbie Imperial. Hindi na sa mga eksena lang nila sa ‘Araw Gabi’ ramdam ang kanilang mga lambingan.

“Natural, bata pa si Barbie, puwede pang magbago ang isip niya. Ilang beses silang magkasama ni JM sa taping, sila pa ang palaging magkaeksena, kaya hindi na nakapagtataka kung nakipag-break man siya kay Paul Salas,” may konbiksiyong kuwento ng aming kausap.

At kahit sinong babae naman ay haha­nga kay JM de Guzman dahil sa guwapo na ay magaling pang umarte. Mas kahanga-­hanga ang paninindigan ng aktor na ­idiretso ang aspeto ng kanyang buhay na minsang nadiskaril.

Hindi lahat ng nagpadala sa bisyo ay ma­kababawi agad, dumaan sa ganu’ng proseso si JM, pero nang isapuso na niya ang salitang pagbabago ay heto na siya ngayon.

Sobra pa sa inaasahan mula sa kanya ang nakikita ng mga katrabaho ngayon ni JM. Propesyonal siya, mahal na mahal niya ang kanyang trabaho, kaya minamahal din siya pabalik ng mundong ginagalawan niya.

Kuwento ng aming kausap, “Nu’ng minsang na-late si JM dahil napuyat siya mula sa isang speaking­ engagement yata ‘yun, e, hindi siya tumigil sa kaso-sorry sa production staff. Lahat, hini­ngan niya ng sorry. Pati, ang mga crew na para bang isang krimen na ang nagawa niya. Ganu’n siya kamarespeto sa mga co-workers­ niya, sa mga co-stars niya, kaya maraming nagmamahal sa kanya,” makabuluhang kuwento ng a­ming source.

Kaya naman pala.