Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality pinagyabang ang galing sa beki

0 1,470

Kaliwa’t kanang upak na naman ang inabot ngayon ng isang male personality sa social media. Nakakaawa siya, nagmukha tuloy na walang saysay ang kanyang mga sakripisyo, dahil lahat ng meron siya ngayon ay sinasabing galing lang sa karelasyon niyang becki.

Pero may nakikitang dahilan ang marami kung bakit siya napagdidiskitahan sa social media, hindi rin kasi siya makapagpigil sa kanyang emosyon, matigas din ang kanyang ulo.

Kuwento ng isang source, “Alam niya naman kasing walang maniniwala sa kanya kahit pa ipangalandakan niya na siya ang bumibili ng mga kapritso niya, pero sige pa rin siya sa kalalantad!

“Kapag ganu’n, e, manahimik na lang sana siya. Kesehodang anumang biyaya ang dumating sa kanya, silent na lang dapat siya! Sa kanya rin naman kasi nanggagaling ang mga pambira sa kanya, e!” umpisang kuwento ng aming impormante.

Siguro nga, dahil ngayon lang naman nakakatikim ng kasaganahan sa buhay ang male personality ay hindi niya mapigil ang kanyang sarili na pagmamalaki, lumalabas tuloy na nagyayabang siya.

Patuloy ng aming source, “Milagro kasi ang nangyari sa buhay niya, guminhawa ang buhay ng pamilya niya, buhay-mayaman siya ngayon, dahil siya ang tumatayong hari sa buhay ng becki personality!

“Pero hanggang du’n na lang sana ‘yun, hindi ‘yung ganyan na kung ipagmalaki niya ang mga kapritsong meron siya ngayon, e, wagas na wagas!

“Ibinili siya ng karu ng becki, agad na niyang ipo-post! Bumili ng motorsiklong milyon ang halaga na alam naman ng lahat na datung din ng karelasyon niya ang pinanggalingan nu’n, ipinagsisigawan niya agad!

“Sana, tahimik na lang siya para hindi siya nakakatikim ng mga salitang hindi malulunok kahit ng gutom na aso! Pero siya ang ugat, siya ang nagpo-post, kaya ‘yan ang inaabot niya!

“Kahit lumundag pa siya sa putikan at kumain ng alikabok, e, wala namang maniniwala na pera niya ang ipinambili ng mga kapritso niya ngayon!

“Sabi nga ng isang basher niya, ‘Kahit nga bisiklita, e, hindi niya kayang bumili sa sarili niyang datung, motor pa kayang milyon ang halaga ang makaya niyang bilhin?

“Napakasakit, parang wala na siyang nagagawang tama, parang pulgas na lang siya sa katawan ng dyowa niyang becki!” nakairap na pagtatapos ng aming source.

Pokwang ‘di purdoy sa pandemya

Hindi na nakapagtataka kung bakit sa kabila ng pandemya ay hindi binabalot ng takot si Pokwang. Maraming personalidad na inaatake ng depresyon, lalo na ang mga walang naiipon at nawalan pa ng trabaho, kabaligtaran ng kabuhayan ng magaling na komedyana-TV host.

Palibhasa’y galing sa hirap, mula nang mag-artista si Pokwang at suwertihing sumikat ay alkansiya palagi ang nasa kanyang utak, maaga siyang nakapagtabi mula sa kanyang mga kinikita.

Nang makapagtayo na siya ng bahay ay nagnegosyo naman siya, ang PokLee Food Products, na ngayon ay dalawang-kamay nang tinatangkilik ng ating mga kababayan.

Ang bawat produkto nila ay may kakambal na kuwento. Mapagpahalaga ang komedyana sa mga manggagawang Pinoy na pinaghahanguan nila ng kanilang mga paninda.

Ang suka nila na napakasarap ng timpla, kuwento ni Pokwang, “Sa probinsiya ng Quezon pa namin ipinagagawa ang sukang-sasa namin. Hindi na kami tumatawad sa ibinibigay nilang presyo, kasi, manu-mano pa nilang dinadala sa kabayanan mula sa bundok ang ginagawa nilang suka.

“’Yung mga jam namin, mga taga-Benguet naman ang pinagkukunan namin. Napakasarap na, nakatutulong pa kami ni Lee sa mga natives na gumagawa,” kuwento ng magaling na komedyante.

Malakas ang kanilang online business, hindi makaaguwanta si Pokwang sa mga order, lalo na sa pinakahuli niyang produktong chicken inasal na siya ang nagtitimpla.

Sobrang sarap ng spicy chicken ni Pokwang. Try n’yong tikman at pansamantala n’yong makakalimutan ang inyong pangalan sa sobrang linamnam.

Promise!

Leave A Reply

Your email address will not be published.