Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality problemado

0 223

Magaling magdala ang isang male personality ng mga problemang dumarating sa kanyang pamilya. Sa biglang tingin ay parang okey na okey lang siya, masayahin ang lalaking personalidad, pero marami pala siyang pinapasang paghamon.

Masuwerte ang male personality, magaling kasi siyang umarte sa kahit anong papel na ibinibigay sa kanya, kaya marami siyang raket ngayong taghirap na panahon ng pandemya.

Kuwento ng aming source, “Alam n’yo, nakakahanga ang lalaking ‘yun! Kundi mo nga personal na alam ang pinagdadaanan niya, e, iisipin mong walang-wala siyang problema.

“Pero meron, meron, meron! Marami siyang bitbit, hindi nga lang halatado ‘yun, kasi nga, e, tawa lang siya nang tawa,” unang papuri ng aming impormante sa kilalang male personality.

Masipag ang male personality na ito, sobrang sipag niya, kailangan niya kasing gawin ‘yun para mairaos niya ang mga pangangailangan ng kanyang lumalaki nang pamilya.

Patuloy ng aming source, “Hindi siya maluho sa buhay, kung anu-ano lang ang mga personal niyang needs sa line of work niya, ‘yun lang ang binibili niya. Hindi siya nagsasayang ng datung.

“Kesa dalhin ang pera niya sa kung anu-ano lang na wala namang pakinabang, e, iniipit niya na lang ‘yun para sa mga kailangan ng family niya.

“May mga anak na siya, meron pa siyang sinusuportahang anak na kung tutuusin, e, hindi niya naman responsibilidad dahil hindi siya ang biological father nu’ng bata.

“May dapat sumagot sa obligasyon para sa bata, kilalang artista rin ang tatay nu’ng itinuring niya nang anak, pero wala siyang reklamo. Kung ano ang kaya niya, kung ano ang meron siya, pinagdudugtung-dugtong lang niya ‘yun para magampanan niya ang papel ng pagiging tatay,” impormasyon pa ng aming source.

Buti na lang at punumpuno ng talent ang male personality. Magaling siyang komedyante, pero kapag sumasalang naman siya sa drama, pinaiiyak niya ang buong mundo.

SM food to go Banner Ad

Panalo!

Nora hindi perpekto

Siguradong mapapamahal sa mga loyalista ni Nora Aunor si ACT-CIS Party List Congresswoman Nina Taduran. Isa siya sa mga nagtutulak na tanghalin nang National Artist ang Superstar.

Dalawang beses nang may nakipaglaban para ipayakap sa Superstar ang pinakamataas na parangal para sa mga anak ng sining ng pelikula pero bigo ang aktres.

Sa kanyang House Resolution Number 1352 ay hinihikayat ni Representative Nina Tadura ang kanyang mga kahanay para balangkasin ang nominasyon para bigyang-pagpapahalaga ang hindi matatawarang naging kontribusyon sa industriya ng pelikula ni Nora Aunor.

Sinaliksik ng kongresista ang mga parangal na tinanggap na ng magaling na aktres dito sa Pilipinas at sa iba-ibang labanan sa ibang bansa. Napakarami na, punumpuno na ang kanyang lalagyan ng mga tropeo, kaya ayon kay Congresswoman Nina Taduran ay ano pa ba ang kulang para tanghaling National Artist ang Superstar?

May mga ibinibigay na personal na dahilan ang iba kung bakit dalawang beses nang hindi nakuha ni Nora Aunor ang parangal, pero may tugon du’n ang kinatawan ng ACT-CIS Party List, makabuluhan ang kanyang suhestiyon.

“We are not looking for a saint. Hindi dapat hinuhusgahan si Nora Aunor sa mga personal niyang pagkakamali. Ang artista ay tao rin na hindi perpekto.

“Ang dapat lang sanang mangyari ay ang ibigay na ang Order Of National Artist recognition para sa kanyang mga pinatunayan, naiambag at patuloy pang pag-aangat sa kanyang talento bilang magaling na aktres.

“Ano pa ba ang kailangang patunayan ni Nora Aunor? Ngayon na ang panahon para igawad sa kanya ang National Arist award,” madiing pahayag ni Congresswoman Nina Taduran.

Ang Order Of National Artist award ay ibinibigay tuwing ikatlong taon sa masusing pagsala ng NCCA at CCP na ang pinakahuling desisyon ay nasa mga kamay ng ating pangulo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.