Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality sagana sa milyonaryong dyowa

0 744

Kung ilarawan ng nakararami ang isang male personality ay parang nanalo sa lotto. Kahit hindi siya tumataya ay nanalo siya dahil sa pagdating sa kanyang buhay at career ng isang minamahal.

Napakarami nang pagbabago sa kanyang kabuhayan showcase ngayon. Kung dati’y sumasakay lang siya sa tricycle at bus kapag dumadayo siya sa malalayong lugar para sumali sa mga patimpalak na panglalaki, ngayon ay de-kotse na siya, naipagawa niya na rin ang kanilang bahay sa probinsiya.

Kuwento ng isang source na gustong ipagtanggol ang male personality, “Ganu’n talaga ang buhay. Dumarating ang suwerte nang hindi mo inaasahan. Hindi niya naman pinlanong magkaroon ng milyonaryong karelasyon, e!

“Tinawagan siya, ipinampalit siya sa natanggal na male personality sa show, nagpunta siya, tinanggap siya! Kasalanan ba niya ‘yun?

“Hindi naman siya nag-apply, siya ang pinag-report, napakalaking opportunity nu’n sa kanya, kaya pinuntahan niya!” umpisang litanya ng aming kausap.

Du’n sila nagkakilala ng milyonaryong personalidad. Habang tumatagal ay nagiging malapit na sila sa isa’t isa, hanggang sa nagkadebelopan na sila, at naging magkarelasyon na nga.

Patuloy ng aming impormante, “Napakaraming spell I sa kanya dahil para nga naman siyang nanalo ng grand prize sa lotto! Natural, dahil mahal siya ng karelasyon niya, susuportahan siya!

“Kahit hindi siya magsalita, kahit hindi siya humingi, alam ng karelasyon niya kung paano siya magiging masaya. E, mahal na mahal ng guy ang pamilya niya.

“Pero alam ba nila na hindi abusado ang family ng guy? Never silang nanghingi sa karelasyon ng guy! ‘Yun kasi ang turo niya, huwag manghingi.

“Hindi matitiis nu’ng milyonaryong personality ang family niya, kaya suportado talaga sila. Binigyan sila ng negosyo, ipinagpatayo ng bahay, ganu’n talaga ang buhay!

“May suwerteng biglang dumarating, alangan namang tanggihan pa niya, baka lumabo ang kanyang mga mata! Ayun ‘yun!” pagtatapos ng aming source.

Online burol kay Agimat

Nagluluksa hindi lang ang pamilya Revilla ngayon kundi ang buong showbiz dahil sa pagpanaw ng isa sa mga itinuturing na haligi ng mundo ng pelikula na si dating Senador Ramon Revilla, Sr..

Nakakalungkot lang na tumaon pa sa pandemya ang kanyang pagpanaw, napakaraming beteranong kasamahan ng aktor-pulitiko ang gustong sumilip sa kanyang mga labi sa pinakahuling pagkakataon, pero hindi sila mapagbibigyan.

Delikado ang sitwasyon ngayon, pinagbabawalang lumabas ng bahay ang mga bata lalo na ang mga senior citizens, kaya malaking kalungkutan para sa mga beteranong artista ang hindi man lang pagdalaw sa namayapa nilang kasamahan.

Wala pang COVID-19 ay may mga punerarya nang nagpapairal ng online burol para sa mga kababayan nating hindi makauuwi kapag may pumapanaw silang mga mahal sa buhay.

Sa pamamagitan ng online burol, ang mga OFW at ang mga Pilipinong dekada nang naninirahan at nagtatrabaho sa ibang bansa ay nagkakaroon ng pagkakataong makiramay, ganu’n ang pinaplanong gawin ngayon ng pamilya Revilla.

Magkakaroon ng online burol para kay dating Senador Revilla, mabibigyan ng tsansang masilip ng mga beteranong personalidad ang kanyang bangkay, bilang pagpapaalam at respeto sa pumanaw nilang kaibigan at katrabaho sa industriya.

Nakikiusap din ang pamilya Revilla sa ating mga kababayang gustong makiramay sa kanilang tahanan sa Bacoor na gustuhin man nilang tanggapin ang lahat ng pupunta ay hindi maaari.

Pampamilya at para sa mga kaibgian lamang ang burol, kailangan nilang sundin ang mga protocol, para sa kaligtasan ng mas nakararami.

Muli, ang taos-puso po naming pakikiramay sa mga iniwan ni dating Senador Ramon Revilla, Sr., isang payapang paglalakbay sa kabilang buhay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.