Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality sawain ang esmi

0 79

Maraming humihiling na sana nga’y magkaroon ng forever ang relasyon ng isang showbiz couple. Sa tagal nga naman ng kanilang pagbiyahe sa pakikipagrelasyon ay pinagtagpo rin sila ng kapalaran.

Walang umasa na sa altar mauuwi ang biglaan nilang pagmamahalan. Simbilis kasi ‘yun ng ipo-ipo.

Kuwento ng aming source, “Sino ba naman kasi ang mag-aakala na sa kasalan pala mauuwi ang relasyon nilang napakabilis na nabuo? Ang guy, hinusgahan pang wala naman sa vocabulary ang pagpapakasal.

“Pero ayan na nga, may basbas na ang relasyon nila, pinatunayan lang nila na sa paksa ng pag-ibig, walang mahaba at maigsing panahon na sukatan,” positibong bungad ng aming impormante.

Ganu’n din ang female personality, marami na siyang nakarelasyon na hanggang ganu’n lang naman, panandalian lang at walang nagtagal.

“Ang pinakamatagal na niyang relasyon, e, ‘yung sa sikat na male personality. Marami ngang nag-akala nu’n na hahantong sa kasalan ang relasyon nila.

“Pero hindi. Parang nagkatabangan na lang silang bigla. Parang biglang lumamig nang todo ang dating parang kumukulong tubig nilang relasyon.

“’Yun ang inaalala ng marami ngayon, kilala kasi ang girl na madaling magsawa. Sana naman, e, hindi ganu’n ang maramdaman niya sa male personality na pinakasalan siya.

“Mahal na mahal siya ng guy, ipinagtatanggol siya sa lahat ng mga isyung naglalabasan, pambihira na lang ngayon ang ganu’ng klase ng lalaki. Sana, huwag mangyari sa relasyon nila ang panglalamig,” madiin pang sabi ng aming source.

Pero mukhang natagpuan na nga ng babae ang mga katangiang matagal na niyang hinahanap sa isang lalaking gusto niyang makasama habambuhay. Swak na swak ang male personality sa hinahanap ng girl.

“Wala na siyang kailangan pang hanapin. Sobrang mahal siya nu’ng guy, napapaaway nga ‘yun dahil sa pagtatanggol sa kanya, e! Saka mabibigyan siya ng magandang future ng male personality, sila ng mga magiging anak nila.

SM SuperKidsDay Banner Ad

“Wish lang talaga ng mga taong kabisado na ang ugali ng girl, e, huwag sanang hanggang sa umpisa lang ang nararamdaman niya. Huwag sana siyang magsawa agad, nakakaawa naman ang lalaking nagmamahal sa kanya,” pagtatapos ng aming source.

Alden ‘uupakan’ sa kulungan

Isang masarap na tulog na lang at mapapanood na uli ang The World Between Us na pinagbibidahan ng Pambansang Bae na si Alden Richards. Nauhaw ang bayan sa matagal-tagal din nilang pagkawala sa telebisyon.

Sa mga ipinalalabas na teaser ng serye ay kapana-panabik ang pagbabalik ng serye. Ibang Louie Asuncion na ang ipinakikita sa mga mapaghamong eksena.

Parang ibinuhos na ng scriptwriter ng serye ang lahat ng puwedeng sumukat sa kapasidad sa pag-arte ni Alden. Isang eksena sa teaser ang umagaw ng aming pansin.

‘Yun ang eksenang uupakan sana ng isang bilanggo si Louie, pero humarang si Ricky Davao na parang mayor sa piitan ang ginagampanang papel, nakakapag-isip ang tagpong ‘yun.

Tulad ng alam na nating nagaganap sa kulungan, naisip namin na parang si Peryong o si Dagul ang papel ni Ricky na gagawing bata-bata (boy toy) si Louie, kaya walang puwedeng manakit sa kanya.

Pero nang malaman naming Asuncion din pala ang apelyido ni Ricky ay nagsanga ang aming pananaw—hindi kaya ito ang matagal nang hinahanap na ama ni Louie?

Basta, bukas nang gabi, ay nakahanda na kaming magkakaibigan sa muling pagtutok sa The World Between Us. Hindi namin palalampasin ang pagpapatuloy ng seryeng bumitin sa imahinasyon ng manonood.

Mapapanood na uli namin si Alden Richards sa isang mapaghamong linya ng pagganap. Siya na mismo ang nagsabi na ang seryeng ito ang pinakamagandang proyektong dumating sa kanyang pag-aartista.

Bukas, 8:50 nang gabi, magkita-kita tayo nang malayuan habang pinanonood natin ang The World Between Us ng GMA-7.

Leave A Reply

Your email address will not be published.