Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality sinuka ng partner

0 366

Kaya naman pala… Ganu’n ang komento ng mga dating katrabaho ng isang may edad nang male personality kung bakit napakadilim ng kanyang mundo ngayon.

Palaging bitter ang mga kuda ng matanda nang male personality, palagi niyang hinahanapan ng butas ang maraming kilalang pigura, halatang-halata na hindi siya masaya sa buhay.

Komento ng isang source, “Nagmalabis din kasi ang matandang ‘yun nu’ng kapanahunan niya. Marami siyang sinasagasaang katrabaho, kung ano ang gusto niya, kahit mali naman, e, ‘yun ang kailangang masunod sa show!

“Imagine, mismong direktor ng programa nila ng partner niya, e, dumating sa studio, pero tanggal na pala siya? Wala man lang nagsabi kay direk na wala na pala siyang trabaho!” unang komento ng aming source,

Ang TD (technical director) lang ang naupong direktor nu’ng araw na ‘yun, wala pa kasing pampalit sa tinanggal na direktor, kaya umandar ang show.

Patuloy ng aming source, “Napaka-feeling ng male personality na ‘yun, nakipagsayaw siya sa popularity niya, basta ginusto niya, e, ‘yun nang kailangang mangyari!

“Kahit sa mga topic para sa show nila ng partner niya, e, siya na rin ang nagbubuo, binabaril niya ang nakalinyang topic ng mga writers ng show! Ganu’n siya katindi nu’n!

“Kaya maraming nabubuwisit sa kanya nu’n! Parating pa lang siya, e, naglalayuan na ang production staff, kung anu-ano na naman kasi ang ipagagawa niya,” kuwento uli ng aming impormante.

Nawalang lahat ‘yun sa male personality, nagkaroon sila ng problema ng kanyang partner, siya ang nawalan ng trabaho dahil ayaw na siyang makita at makasama ng kapareha niyang girl.

“Kaya siya ganyan ngayon, madilim ang tingin niya sa mundo, marami siyang kaaway na personalities na nananahimik lang naman at walang ginagawang kasalanan sa kanya!

“Ilang beses siyang nagsumamo sa partner niya, pero wala siyang napala, nahubaran siya ng karapatan, naubos ang yabang niya!

“No way, highway, ayaw na siyang makita ng girl magpakailanman, ‘yun ang totoo!” pagtatapos ng aming source.

Willie ‘madugo’ ang pag-aalaga sa 2 chopper

Dalawang chopper ang halinhinang pinalilipad ni Willie Revillame. Isang R44 Robinson at ang bago niyang R66 Robinson Turbine.

Hindi na talaga maabot si Willie! Sa hangar pa lang ng dalawang helicopter niya ay magkano na ang ibinabayad niya? Meron pang mga engineer na nag-aalaga sa kanyang mga chopper, hindi barya-barya lang ang suweldo ng mga ito, kaya malaki ang gastusin niya buwan-buwan.

Nagpundar siya ng mga chopper hindi lang para sa kanyang sarili, ginagamit niya rin ‘yun sa pagbibigay niya ng ayuda sa malalayong probinsiya, naisip niya na napakamahal magrenta ng sasakyang panghimpapawid, kaya nagsikap siyang makabili ng sarili na niya.

Maraming kababayan natin ang lumalapit sa amin para mamasukang kasambahay ni Willie. Wala kaming magawa dahil ang lahat ng kinukuha niyang maglingkod sa kanyang bahay ay puro tubong-Nueva Ecija kung saan siya lumaki.

Ang kanyang katwiran, “Una, kilala ko ang mga pamilya nila, ikalawa, pare-pareho kaming lumaki sa magkakaparehong pagkain. Kung ano ang gusto kong kainin, alam nilang lutuin,” sabi ni Willie.

Mansiyon ang kanyang bahay pero may panahon siyang galugarin ang buong kabahayan at bakuran bago siya mag-report sa kanyang trabaho sa Wil Tower.

Kailangang malinis ang lahat, areglado ang kanyang mga sasakyan, alagang-alaga rin niya ang kanyang garden na gustung-gusto niyang tinatanaw kapag kumakain siya.

Puhunan ni Willie sa kanyang tagumpay ang pagiging masipag, ang matutok sa lahat ng bagay, hindi siya puwedeng makipagkaibigan sa mga tamad at hindi nangangarap.

Leave A Reply

Your email address will not be published.