Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality sponsor ang matrona, beki sa sugalan

0 103

Pinagpipistahan sa isang malawak na lugar na maingay at mausok ang isang kilalang male personality na mahusay umarte. Hindi siya nakikipaghabulan ng kasikatan sa ibang artista pero kapag pag-arte ang pinag-usapan ay marami ang makikipaghabulan sa kanya.

Guwapo siya, mahusay umarte, kaya nga lang ay hindi pa siya masyadong nginingitian ng kapalaran kaya bihirang-bihira siyang bumida sa mga ginagawa niyang proyekto.

Pinag-uusapan siya dahil madalas makita ang male personality sa casino. Hindi naman siya kalakasang magsugal pero maraming nagtataka-nagtatanong kung paano siya nakapagbibisyo samantalang hindi naman kalakihan ang kinikita niya.

Kuwento ng isang source, “Natural, naiintriga ang mga nandu’n, nagtatanungan sila, gaano na ba kalaki ang kinikita niya para mapadalas ang pagpunta niya sa casino?

“Kayang-kaya na ba niyang magtapon ng pinaghihirapan niya? Sobra-sobra na ba ang kinikita niya para halos regular na siyang bumisita sa pasugalan?” unang sultada ng aming impormante.

Heto na. Nagsagawa ng imbestigasyon ang mga tsismosa at tsismoso sa casino. Sinundan nila ang mga galaw ng male personality. At meron silang nahalukay na milagro.

Patuloy ng aming source, “Nu’ng una, e, nakita siyang may kasamang matrona. Kiyemeng hindi sila magkasama, magkahiwalay ang machines na nilalaro nila, pero halatado pa rin ‘yun ng mga matang nakasunod palagi sa kanya.

“Naisip na lang ng mga nandu’n, kaya naman pala! May pinagkukunan naman pala ng pampuhunan ang male personality! Maliit man ang kinikita niya sa pag-aartista, e, meron siyang pang-casino, dahil sa kasama niyang matrona!

“Pero teka lang muna! Pagkatapos nang ilang araw, e, naloka na ang mga nakamatyag sa male personality. Hindi na matrona ang kasama niya sa casino, becki na!

“’Yung becki naman ang nagbibigay ng puhunan niya sa paglalaro. Nalokah talaga ang mga nandu’n, strike everywhere daw pala ang male personality! Puwede siya sa matrona at puwede rin sa becki!

“May kaapelyido siyang sikat na action star, may kapangalan din siyang mga male personalities, pero iba nga lang ang spelling ng name niya!” pagtatapos ng aming source.

Claudine naputulan ng kuryente

Kumpirmadong naputulan ng kuryente nu’ng Kapaskuhan ang bahay ni Claudine Barretto. Sa isang panahong maliwanag na maliwanag ang mga bahay sa tinitirhan nilang subdivision ng kanyang mga anak ay madilim na madilim naman ang kapaligiran sa bahay ni Claudine.

Nagtataka ang kanyang mga kapitbahay, ano ang nangyari, bakit naputulan ng kuryente ang bahay ng aktres? Nakalimutan lang ba niyang magpabayad ng kanilang konsumo?

Naghihirap na ba talaga si Claudine kaya kahit pambayad na lang ng ilaw ay wala pa siyang pambayad? Kaya ba ganu’n na lang ang paghahabol niya sa sustento ng kanyang mga anak mula kay Raymart Santiago?

Kuwentong-subdivision lang ang agarang kumalat, walang katiyakan ang lumabas na istorya, kaya kailangang may isang taong malapit kay Claudine na kumumpirma ng naganap.

Totoo, ayon sa kanyang abogadong si Attorney Ferdie Topacio, naputulan nga ng kuryente ang aktres nu’ng mismong Kapaskuhan.

Nagtaka raw si Attorney Ferdie nu’ng magpunta ito sa bahay ng kanyang kliyente, madilim, parang walang katao-tao sa bahay. Tinawagan ng abogado si Claudine, nasa bahay raw siya ng kanyang mommy, kasama ang mga anak nila ni Raymart.

Nilinaw ng magaling na abogado na bayad na ang kuryente ni Claudine Barretto, walang ideya si Attorney Topacio kung magkano, ang mahalaga ay maliwanag na uli ang bahay ng aktres.

Leave A Reply

Your email address will not be published.