Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality tinatwa ang anak

0 561

Napakatindi ng hugot ng isang kilalang female personality tungkol sa nakaraan nilang relasyon ng isang popular na lalaking personalidad.

Walang naaalalang maganda ang babae sa nasabing relasyon na maganda lang nu’ng una pero sobrang naging maasim na pagkatapos lang nang ilang buwan.

Nagkaroon ng produkto ang kanilang relasyon, du’n na nagsimulang matikman ng female personality ang pagiging iresponsable ng aktor, pumutok man ang lahat ng bulkan sa buong mundo ay hinding-hindi makakalimutan ng female personality ang kuwento.

Ang aming source ang nagbukas ng kuwento, sabi nito, “Nu’ng ma-confirm nang pregnant ang female personality, kung anu-anong salita ang natikman niya mula sa ama ng dinadala niya.

“Una, ayaw ipaamin ‘yun ng lalaki sa girl, kailangan kuno nilang itago, dahil masisira ang career niya. Career ang inintindi ng lalaki, hindi ang sitwasyon ng girl.

“Kapag may nagtanong daw sa babae, sabi pa ng male personality, ang sasabihin lang daw ng girl, ‘Hindi ko alam, madilim nu’n, nakatalikod ako.’

“Napakatindi, di ba naman? Ayaw niyang sabihin ng girl kung sino ang father ng dinadala niya, kailangan daw maging lihim ‘yun!” unang kuwento ng aming impormante.

Ipinanganak ng female personality ang anak nila ng pamosong aktor, hindi na kailangan pang itanong kung sino ang ama ng sanggol, kalat naman ang kuwento ng kanilang relasyon.

Patuloy ng aming source, “Hindi itinago ng girl kung sino ang father ng anak niya, hindi siya nagpatakot sa aktor, wala siyang pakialam! Wala na ring nagawa ang male personality, pero ibang klase siya talaga!

“Nu’ng minsang dumalaw siya sa bahay ng female personality, mahimbing na natutulog ang sanggol na kamukhang-kamukha niya, nilapitan niya ang anak niya.

“Narinig ng female personality at ng yaya ng sanggol ang sinabi ng aktor, ‘Paglaki mo, sabihin mo sa buong mundo kung sino ang tatay mo, ha? Ikaw ang kailangang magsabi dahil hindi ako ang tatay mo!’

“Pinalayas ng female personality ang tatay ng kanyang anak, matitinding salita ang pinakawalan niya, ewan kung pumasok ‘yun sa tenga ng iresponsableng lalaki.

“Ngayong malaki na ang anak niya, umaasa pa siyang pasasalamatan siya nu’ng bata? Ayaw nga niyang amining siya ang father, tapos ngayon, hoping pa siyang magpasalamat sa kanya ang anak niyang nag-aartista na rin at para silang pinagbiyak na bunga sa itsura? Soooooo, kapal niya!” madiing at galit na pahayag ng aming impormante.

Tunay na tunay!

Ted ‘tatakbong’ Senador

Ayaw na ayaw nang muling makilahok sa mundo ng pulitika ang magaling at matapang na broadcaster na si Ted Failon. Tama na para sa kanya ang pagkaupo bilang kongresista ng kanilang distrito sa Leyte.

Isang termino lang siyang nagserbisyo sa kanyang mga kababayan at pagkatapos nu’n ay bumalik na siya sa kanyang tunay at unang pag-ibig, ang pagiging komentarista, mahal na mahal ni Ted Failon ang mundo ng radyo.

Sa kanilang programa ni DJ Cha-Cha nu’ng nakaraang Biyernes ay nagpista ang mga tagasuporta ni Ted Failon. Panauhin nila ang Senate President, si Senador Tito Sotto, na maingay na napapabalitang tatakbong vice-president katambal si Senador Ping Lacson.

Walang kumpirmasyong binitiwan si Tito Sen, ang sabi nito, “Wala pa kaming seryosong pagtalakay tungkol sa nalalapit na eleksiyon. Una muna naming iniintindi ang sitwasyon ng bayan natin ngayon.

“Pandemya, napakaraming kailangang tutukan, nakakahiyang unahin ang parating na eleksiyon,” sabi ni Senador Tito.

Totoong-totoo naman, ang kaligtasan muna ng ating mga kababayan ang dapat unahin ng mga pulitiko ngayon, hindi ang personal nilang pangarap na makakopo ng upuan sa pamahalaan.

Sa bandang dulo ng panayam ay birong-totoo na sinabi ni Tito Sen, “Alam n’yo, tutal naman, e, tayu-tayo lang ang nag-uusap ngayon, gusto ka nga sana naming puntahan.”

Tanong ni DJ Cha-Cha, “Ako po, Tito Sen?” Agarang sagot ng senador, “Hindi, si Ted. Alam n’yo, baka sakaling…”

Mas agarang sabi ni Ted Failon, “Okey, Senador Tito, magkabalitaan pa po tayo sa mga susunod na pagkakataon.”

Ang dami-daming tumawag sa amin, “Tatakbong senador si Ted Failon? He has my vote, kung tatakbo nga siya!” nagkakaisang deklarasyon ng mga nakausap namin.

Abangan!!!!

Leave A Reply

Your email address will not be published.