Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality tumanggi sa pagbebenta ng katawan

0 102

Nu’ng bagong putok pala ng pandemya ay napakalaki ng problema ng isang kilalang male personality. Napakahirap ng buhay, walang trabaho ang mga artista, paano na ang kanyang gagawin?

Napakaraming umaasa sa kanya, siya ang tumatayong breadwinner, hindi niya matitiis na magutom ang mga taong umaasa sa kanya. Kailangan niyang makaisip ng paraan.

Kuwento ng aming source, “Wala pa naman siyang naiipon dahil naaagad ang kinikita niya. Parang hand to mouth lang ang kinikita niya, kasyang-kasya lang sa mga pangangailangan ng family nila.

“So, nu’ng magkapandemya, halos masira na ang ulo niya sa kaiisip kung paano siya kikita. Paano na ang mga bibig na umaasa sa kanya?” unang sultada ng aming impormante.

Maraming tinawagan ang male personality, nagtanung-tanong siya sa kanyang mga kaibigan kung ano ang kanyang gagawin, hindi siya puwedeng basta magmukmok na lang dahil paano na ang mga obligasyon niya?

Patuloy ng aming source, “May tinawagan siyang friend na makatutulong, pero kaya ba naman niyang gawin ang paraang sinabi sa kanya? Guwapo siya, maganda ang katawan niya, maraming becki at matronang magkakagusto sa kanya.

“Sabi ng male personality sa kausap niya, ‘Pare, work ang kailangan ko, hindi raket. Kung ginusto ko lang, ginawa ko na sana ang sinasabi mo! Maraming becki nang nagparamdam sa akin, pero hindi ko ginawa.’

“So, marami pa rin siyang tinawagan, talagang wala na halos trabaho ang mga artista, ramdam na niya ang pagnipis ng natitira niyang pera sa bulsa. Tinanggihan niya ang raket ng pagbebenta ng katawan, sa halip, nagbenta siya ng mga naipundar niyang kagamitan.

“Sasakyan lang ang itinira niya, malaki ang pakinabang niya sa kotseng salamat, dahil natapos na niya ang hulog buwan-buwan. Marami siyang idinispatsang appliances at personal na kagamitan.

“Isang araw, nakatanggap siya ng tawag, makakasama siya sa isang serye, maganda ang role niya, kailangan lang niyang mag-lock-in taping. Nagtagal siya sa palabas, nakabili uli siya ng mga bagong kagamitan, nagkasunud-sunod ang work niya!

“Hindi nagutom ang pamilya niya, nagsakripisyo siya, hindi niya kinailangang magbenta ng sarili para lang siya kumita. Panalo ang male personality!

“Galing kasi siya sa hirap, alam niya ang buhay-mahirap, kaya niyang magtiis sa barya-barya lang basta malinis ang pagmumulan. Probinsiyano siya, banat ang katawan sa trabaho, masipag siya!” pagtatapos ng aming source.

Leave A Reply

Your email address will not be published.