Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality waldas sa datung

0 169

Kaya naman pala! ‘Yun lang ang naging reaksiyon ng mga taong nakaalam ng dahilan kung bakit palaging walang naiipon ang isang kilalang male personality.

Hindi naman siya nawawalan ng trabaho, binibigyan naman siya ng pagkakakitaan ng kanyang pinagtatrabahuhang network, pero bakit palaging butas pa rin ang kanyang bulsa?

Kuwento ng aming source, “Wala kasi siyang disiplina sa paghawak ng pera! Hindi malayo ang tingin niya sa buhay. Akala niya, porke kumikita na siya, e, hindi na ‘yun mauubos!

“Hindi niya naiisip na baka one day, e, may mangyaring hindi inaasahan, kailangan niya ng datung, pero wala naman pala siyang pagkukunan!” unang hirit ng aming impormante.

Waldas ang male personality. Kapag may hawak siyang pera, kung anu-anong hindi naman kailangan sa pang-araw-araw na buhay ang ginagastusan niya, kaya kapag dumarating na ang indulto ay nangungutang siya.

Patuloy ng aming source, “Ilang cell phone ba ang kailangan natin? Okey lang ang dalawa, maiintindihan pa natin ‘yun! Pero kapag sumobra na ang pagbili niya ng gadgets na hindi naman niya nagagamit nang sabay-sabay, e, teka lang naman muna!

“’Yun din pala ang palagi nilang pinagtatalunan nu’n ng isang ex niya, marunong kasing humawak ng pera ang girl, kaya palagi siyang pinapayuhan na mag-ipon.

“Pero wala siyang pinakinggan, wala siyang pakialam, basta bibilhin niya ang mga kapritso niya. Puwede na nga siyang mag-online ng mga kagamitan niya sa dami!

“Dadalawa lang ang paa niya, pero ang sapatos ng male personality, e, puwede nang suplayan ang buong barangay sa dami! Ganu’n siya kagastador, wala talagang disiplina ang taong ‘yun!” napapailing pang komento ng aming source.

Ano tuloy ang nangyari? Nang mawalan siya ng datung para sa mga importanteng bagay, wala na siyang mahugot sa bulsa niya, kinailangan pa niyang mangutang sa isang taong malapit sa kanya?

Sabi pa rin ng aming source, “O, bakit hindi siya magbenta ng mga stuff niya na may tag price pa nga ang iba? Pakikinabangan niya ‘yun, sa totoo lang, para may maipambili siya ng gatas ng anak niya!

“Nakakaloka siya! Maliit na halaga lang, e, wala siyang naiipon? Inuuna muna kasi niya ang mga kapritso niya!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.

Willie iwas sa usapang politika

Hanggang ngayong magtatapos na ang buwan ay wala pa ring anunsiyo si Willie Revillame kung tuloy ba ang paglahok niya sa mundo ng pulitika. Tahimik lang siya.

Kapag nag-uusap kami ay parang inilalayo pa nga niya ang usapan sa pulitika, ibang paksa ang aming napag-uusapan, nagdududa tuloy kami na baka nagdesisyon na siyang huwag tumakbong senador.

Lalong lumalim ang aming duda nang palagi niyang sinasabi sa kanyang programa na mahirap ang buhay-pulitika. Nag-aaway-away, nagkakapersonalan, bangayan nang bangayan.

Kung kilala nga namin si Willie ay hindi ‘yun ang kanyang naturalesa. Hindi siya mahilig sa argumento, hindi nakikisawsaw sa kahit anong isyu, ni wala nga siyang social media accounts.

Kailan ba siya nadamay sa mga isyu na sinagot niya? Palagi lang siyang cool, tuluy-tuloy lang ang pagbibigay niya ng ayuda sa mga kababayan nating hirap na hirap ngayong pandemya, ‘yun ang talagang pinaglalaanan niya ng panahon.

Kuwento niya, “Lahat ng text na tinatanggap namin sa Wowowin, puro pambili ng gamot at pagpapaospital ang laman. Puro maysakit ang kanilang magulang, tinamaan sila ng covid, puro ganu’n.

“Napakatindi talaga ng pinagdadaanan ng mga kababayan natin. Sa pagbabasa pa lang ng text nila para matawagan ko, mawawasak na ang puso mo,” sinserong komento pa ni Willie.

Abangan na lang natin ang kanyang opisyal na pahayag kung matutuloy ang pakikilahok niya sa pulitika. Kung ang kanyang mga tagasuporta ang tatanungin ay ayaw nila, wawasakin lang daw ng pulitika ang idolo nila, na ngayon pa lang ay nangyayari na sa mga humuhusga sa kanyang pagkatao.

Leave A Reply

Your email address will not be published.