Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male personality wapakels na tagasalo

0 178

Napakadali raw kunin ang serbisyo ng isang pamosong male personality. Wala siyang kiyaw-kiyaw, paglalarawan pa ng mga kumukuha sa kanya sa malalayong probinsiya, hindi siya maarte sa madaling salita.

Hindi raw siya katulad ng ibang personalidad na kung anu-ano ang hinihingi sa show promoter, nauunawaan daw niya ang buhay-probinsiya, kaya hindi siya masyadong nagde-demand ng kung anu-anong granatsa.

Wala rin siyang pakialam kung ipinalit lang siya ng show promoter sa isang personalidad na nagkaroon ng problema sa kontrata, ang mahalaga para sa male personality ay siya ang kinuha, ‘yun lang.

Kuwento ng aming source, “Kung show promoter ka na naiipit sa casting, si ____(pangalan ng kilalang male personality) lang ang sagot sa problema.

“Mabilis kasi siyang magdesisyon, nakasasagot siya agad kahit pa kinabukasan na ang show at wala namang conflict sa trabaho niya. Pinakamadali siyang pampalit sa umurong na personality sa show,” unang kuwento ng aming impormante.

Napakapropesyonal daw ng male personality, kapag tawid-dagat ang show, isang oras bago ang pinag-usapan nila ng promoter ay nasa airport na siya.

Patuloy ng aming source, “Isa lang naman ang kailangang pag-usapan nu’ng male personality at ng show promoter, presyo. Kapag nagkasundo na sila sa talent fee, shoot na agad ang show!

“Wala nang problema basta nalaman niya na kung magkano ang talent fee niya. ‘Yun lang ang mahalaga sa kanya, wala nang iba. Kalat na kalat na sa mundo ng mga show promoters na kung problemado sila sa artistang dadalhin sa malayong probinsiya, nand’yan ang male personality na parang Boy Scout, palagi siyang ready,” dagdag na kuwento pa ng aming source.

Walang pakialam ang kilalang lalaking personalidad kung sobrang pagod man siya, kayod lang siya nang kayod, araw-gabi siyang nagtatrabaho.

“Ang ipinagagawa lang niya sa kontrata, e, kung paano ang bayaran. Fifty percent ang downpayment, ang balance, bago siya umakyat sa entablado, ganu’n lang! Ibang klase siya, day and night siyang handa sa pagtatrabaho.

“Inuulit ko, araw-gabi siyang ready sa pagtatrabaho,” humahangang pagtatapos ng aming impormante.

Vice hindi na inuuwian ni Ion

May lumulutang na kuwento na araw-araw nang bumibiyahe si Ion Perez mula Maynila pauwi sa Tarlac. Parang lumalabas sa isyu na hindi na siya nakatira sa bahay ng karelasyon niyang si Vice Ganda.

Anyare, tanong ng marami, lumalamig na ba ang kanilang relasyon? Tumatabang na ba ang timplada ng kanilang pagmamahalan? Saan nanggaling ang kuwentong uwian na lang ngayon si Ion sa kanilang probinsiya pagkatapos ng kanyang trabaho sa Manila?

‘Yun daw kasi ang hinihiling ng ina ni Ion Perez, sa Tarlac na siya umuwi, dahil masyadong nasabik ang kanyang pamilya sa tagal ng hindi nila pagkikita dahil sa lockdown.

Mababaw na dahilan ‘yun para sa mga dudero at dudera, napakababaw, dahil alam naman ng pamilya ni Ion na nasa Maynila ang kanyang trabaho at napakahirap bumiyahe nang ganu’n kalayo.

Pero mukhang ang kuwentong kumakalat ang malabnaw at hindi ang relasyon nina Vice at Ion. Sila pa rin, mainit na mainit pa rin ang kanilang relasyon, isang malapit kay Vice ang nagsabi sa amin.

Sabi ng aming source, “Hindi na bago ang mga ganyang kuwento, puro fake news lang naman ang lumalabas about them.

“Sa ipinagagawang house ni Vice, e, nandu’n ang gym para kay Ion, meron ba namang nagkakatabangan nang ganu’n? Part pa rin si Ion ng mga plano ni Vice! Hindi totoo ‘yun!” madiin pang paliwanag ng aming kausap.

Kopya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.