Abante Tonite Interactive

Male singer blangko sa pakikisama

520

Hindi na nakapagtataka, hindi na rin nakakapanibago ang kasupladuhan ng isang male singer, kung ang mga dati niyang nakakasalamuhang musikero ang tatanungin.

Kakaiba ang pagla-larawan ng mga ito sa male singer na in fairness ay may napatuna-yan naman sa kanyang mundo ng musika, siya ang pinakamagaling at wala nang mas huhusay pa sa kanya bilang singer-composer.

Kuwento ng aming source, “‘Yun pala ang image nu’ng male singer na ‘yun para sa kanila. Talagang may sarili siyang mundo, hindi siya tumatanggap ng mga suggestions, dahil ang feeling nga niya, e, pinakamagaling na siya sa lahat!

“Nu’ng ma-link nga raw ang name niya sa isang famous female personality, e, baduy na baduy siya! Para siyang nanghihilas, para siyang nawiwirduhan kapag pinag-uusapan siya nang dahil sa girl!

“Parang ang feeling niya, e, naging baduy ang image niya nu’ng maugnay ang name niya sa girl na sikat at maganda. Ayaw kaya niyang magpa-interview nu’n, ‘di ba?

“Kasi nga, ang pakiramdam niya, e, naging jologs siya dahil nali-link ang name niya sa isang artista!” napapailing na kuwento ng aming impormante. Marami siyang hindi kasundo.

Maging ang mga sarili niyang kagrupo nu’n sa kanilang banda ay hindi rin niya nakakatinginan nang mata-sa-mata.

Opinyon ng aming kausap, “Paano nga siya makakasundo ng mga katrabaho niya kung ang feeling niya, e, super-galing siya? Ayaw niyang pinakikialaman ang trabaho niya, perfect na ‘yun, wala nang kulang pa sa pakiramdam niya!

“Lalong ayaw niyang ikinukumpara siya sa iba, kanyang-kanya lang ang talent niya, regalo nga siya ng langit sa mundong ginagalawan niya, ‘di ba?

“Naku, tapos na ang panahon niya, ‘no! Tantanan na niya ang pagmamaldito! Marami nang ipinanganak na singers at composers na mas
magagaling kesa sa kanya!

“Magaling ka nga, e, kung blangko ka naman sa pakikisama at sa pakikinig sa mga suggestions, e, ‘di wala ka ring saysay!” madiing pagtatapos ng aming impormante.

Sapul!

Parang umiiri na akting ni Kris magbabalik

Ayan, ma­ta­tapos na ang pagka-miss kay Kris Aquino ng kanyang mga loyalista.

Wala na siyang regular shows sa TV, meron man siyang ginagawang paraan para visible pa rin siya sa social media, pero iba pa rin ang laban mismo sa national television.

Pero sa darating na Kapaskuhan ay may pelikula si Kris, katambal niya si Derek Ramsay sa isang entry sa MMFF, matutunghayan na uli sa big screen ang aktres-TV host.

Pero ngayon pa lang ay ayaw na siyang patahimikin ng kanyang mga bashers, nabuhay uli ang paglalarawan sa kanyang pagganap na kung tawagin ng marami ay “constipated acting” ke masaya at malungkot at natatakot daw si Kris sa mga ginagawa niyang eksena ay isang klase lang ng acting ang nakikita sa kanya.

Para raw siyang umiiri (kaya nga constipated acting ang paglalarawan sa pagganap niya), hirap na hirap sa pagdumi, ‘yun lang daw ang kaisa-isang atake ni Kris Aquino sa pag-arte.

Pero kahit pa, pagkatapos ng mahigit na dalawang taon nang pananahimik ay heto na uli si Kris, hindi na siya matatawag na extra lang dahil siya ang bumibida sa proyekto nila ni Derek Ramsay.

Tapos na ang paghihintay ng kanyang mga tagahanga na anuman ang nangyari sa kanyang career ay nand’yan pa rin at matiyagang nagmamahal at sumusuporta sa kanya.