Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male singer isnabero

0 398

Bidang-bida sa mga kuwento ng mga impormante ang isang kilalang miyembro ng isang banda na bumaklas na at nagsarili na lang. Kuwentong-airport din ang iniikutan ng istorya.

Kapag bumibiyahe pala ang bokalistang ito ay walang nagtatangkang lumapit sa kanya. Ilang beses na kasing napapahiya ang kanilang mga kasamahan, inisnab ng male personality, kaya ayaw na nilang maranasan pa ‘yun.

Kuwento ng isang source, “Hindi ba, kilala naman talaga sa pagiging suplado ang male singer na ‘yun? As in, parang wala siyang nakikitang tao sa paligid niya.

“Para siyang kabayong may tapa ojo, diretso lang ang tingin niya, ganu’n siya kaangas kung umasta. Marami nang naging karanasan ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa airport mula sa supladong ewan na ‘yun!

“Nu’ng minsang lumapit sa kanya ang isang janitor, inisnab din niya! Paborito pa naman pala nu’ng janitor ang mga songs niya! Gusto sanang magpa-picture na kasama siya nu’ng pobre.

“Instead na pagbigyan ang janitor, e, pasinghal pa niyang sinabi, ‘Maraming dumi dito sa airport, maraming kalat, ‘yun na lang ang atupagin mo!’

“Natural, nagulantang ang janitor sa sinabi niya, malungkot na ikinuwento ‘yun ng tagapaglinis sa mga kasamahan niya, kaya nagkasundo silang lahat na kapag nandu’n ang male singer, e, walang papansin sa kanya!

“Ganu’n nga ang nangyari, wala talagang pumapansin sa maangas na male singer kapag nasa aiport siya. Para lang siyang talbos ng kamote na itinapon du’n, deadma sa kanya ang mga trabahador!” kuwento ng naiinis naming impormante.

Bago pa ba naman ang mga kuwento ng kasupladuhan ng bokalistang ‘yun? Hindi ba’t isinusumpa rin siya ng mga faney ng isang kilalang-kilalang female personality na hindi raw niya kilala?

“Akala mo siya kung sino na napakahirap abutin! Suplado talaga siya! Napakasarap niyang hampasin ng bagong kayas na kawayan!” buwisit na buwisit na pagtatapos ng aming source.

Raymart-Jodi relasyon labas sa demanda ni Claudine

Nilinaw sa amin ni Attorney Ferdinand Topacio na walang kinalaman sa relasyon nina Raymart Santiago at Jodi Sta. Maria ang tinanggap na subpoena ng action star ilang linggo na ang nakararaan.

Ayon sa abogado ni Claudine Barretto ay nu’ng nakaraang April pa dapat ang pagdinig sa piskalya ng kasong isinampa ng kanyang kliyente (R.A. 9262) pero napag-abutan ‘yun ng lockdown.

“Walang kinalaman ang kaso sa relasyon nina Raymart at Jodi, labas ‘yun sa asunto, ang pinagkasunduan nilang sustento sa mga anak nila ang laman ng kaso.

“Ayos na sana ang lahat sa kanila kung tumupad lang si Raymart sa one hundred thousand na sustento para kina Sabina at Santino, pero hindi niya naman ‘yun tinupad,” unang paliwanag ni Attorney Topacio.

Sa pagkakaalam namin ay hindi nagkukulang si Raymart sa kanilang mga anak, dinadalaw rin nito ang mga bata kapag may libre itong panahon, pero ayon sa abogado ni Claudine ay hindi naman ‘yun sapat.

“Obligasyon niya talagang puntahan ang mga bata as a father. Hindi dapat mawala ang communication nila. Tama ‘yun. Pero dapat, e, tumupad siya sa pinagkasunduan nilang sustento.

“Pabigay-bigay lang kasi si Raymart, paabut-abot lang, hindi sufficient ang ibinibigay niya para kina Sabina at Santino. Kung mula nu’ng magkasundo sila sa korte, e, tinupad na niya ‘yun, wala na sana silang problema ngayon,” mahinahong komento ng abogado ni Claudine.

Nakatakda na ang pagdinig ng kaso, harinawang magkasundo na ang magkabilang panig, kahit para man lang sa kapakanan ng kanilang mga anak.

Leave A Reply

Your email address will not be published.