Abante Tonite Interactive

Male singer siningil ang dyowa sa kinain

1,757

tonite-no-thanks-cristy-fermin
May zipper din pala ang wallet at bulsa ng isang magaling na male performer. Palagi ring nakakuyom ang kanyang mga palad. Hindi siya basta-basta nagla­labas ng datung.

Ang senaryong ito ay naganap pagkatapos ng matagumpay na concert ng grupong kinabibilangan ng may edad nang male performer. Nagkani-kanyang lakad na ang mga miyembro, meron nang umuwi, pero kumain muna ang male singer kasama ang kanyang girlfriend na singer din.

Sa isang five-star hotel sila kumain. Nag­laway ang male singer sa nakahaing seafood sa isang isang mesang katabi lang nila ng girl.

Kuwento ng aming source, “Malalaki ang crabs, napakasarap tingnan, maganda ang plating at nang-iimbita ang itsura ng crabs. Umorder siya.

“Hindi niya naman nilinaw kung ilang grams lang ang gusto niya, basta, ganu’n din daw sa inorder ng katabi nila. Ganu’n ding luto, dahil naglalaway na siya.

“Nu’ng dumating ang order nila ng girl, lafang kung lafang na ang male singer, patikim-tikim lang naman ang girlfriend niya, ayaw masira ang kurbada ng body niya,” tawa nang tawang umpisang kuwento ng aming source.

Heto na. Tapos na silang kumain. Toothpick na lang ang kaulayaw nila. Hiningi na ng male singer ang kanilang bill. Nanlaki ang mata niya nu’ng makita niya kung magkano ang amount na inabot ng kanilang lafang.

Minsan pang sultada ng aming importance, “Naloka siya, bakit eight thousand ang bill nila! E, crabs lang daw naman ang inorder nila, dalawang garlic rice, saka dalawang mango juice! Bakit ang laki-laki ng kailangan niyang bayaran?

“Sabi ng waiter, pinakamalaking crabs kuno ang kinain nila, magkano per gram ‘yun, kaya malaki ang bill nila! Parang gusto niyang iluwa ang kinain niya, sa totoo lang!

“Ang ginawa ng male singer, e, bumulong siya sa girlfriend niya, ‘Hati tayo sa bill, anyway, kumain ka rin naman, di ba?’ Lukang-luka ang waiter sa male singer, kuring! Napakakuripot daw pala nu’ng singer na ‘yun!

“Girlfriend niya, siningil pa niya? Naku, ang gaganda pa naman ng mga songs niya, kinakailangan pa naman siya ng mga kolehiyala!” napapailing na pagtatapos ng aming source.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Mark napabayaan sa kusina

Guwapo pa rin, pero nadadagdagan na naman ang timbang ni Mark Anthony Fernandez, mukhang napababayaan siya sa kusina ng kanyang mga kasama sa bahay.

Dahil nasa buhay na malaya na ngayon ang guwapong aktor ay natural lang na mas nakakakain na siya ng mga gusto niya kumpara nu’ng nakakulong pa siya.

Walang masama sa pagbawi, pero kaila­ngang alalahanin ni Mark Anthony na nagbabalik-showbiz siya, may regular siyang serye ngayon.

Ginagampanan niya ang spoiled na anak ni Edu Manzano na walang alam gawin kundi puro ilegal na pagkakakitaan. Kinabubuwisitan silang mag-ama sa Ang Probinsiyano, gusto silang sunugin nang buhay ng manonood, dahil sa pinaiiral nilang pagmamalabis sa kapangyarihan.

Mukhang naudlot ang proyektong pagta­tambalan nila ng kanyang dating girlfriend na si Claudine Barretto sa Viva Films. Handang-handa na sa laban si Mark Pero mukhang sa aktres nagkaroon ng problema. Sayang dahil marami pa namang nasasabik silang mapanood uli sa pelikula.

Magaling si Mark Anthony sa Ang Probinsiyano, para mainis sa kanya ang manonood, ibig sabihi’y epektibo pa rin ang pagganap ng napiit na aktor.

Konting bawas lang ng timbang para hindi siya magmukhang matanda sa kanyang mga shots, pero ang tunay na kaguwapuhan ay hindi nawawala, tumira man siya sa kulungan nang mahabang panahon.