Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Male singer–TV host 100k per day ang TF

0 404

Napakalaki pala ng talent fee ng isang kilalang male singer-TV host sa kanyang bagong programa. Tumataginting na isandaang libo kada araw ang tinatanggap niyang suweldo.

Napakalaking halaga na pinapantayan naman, impernes, ng talento ng male singer-TV host. Ginagawa niya ang lahat-lahat, siya ang lider-lideran ng kanyang tropa, pero marami pa ring nalalakihan sa kanyang talent fee sa show.

Kuwento ng isang source, “Magaling naman ang male personality na ‘yun, walang question ang talent niya, nagdedeliber naman siya.

“Usually, e, one season ang kontratahan sa mga bagong shows, di ba? Thirteen weeks ‘yun. Pagdating ng one season, puwedeng ituloy pa rin ang show o hanggang du’n na lang talaga,” unang kuwento ng aming impormante.

Ayon sa aming source ay in-advance na ng male personality-TV host ang kanyang talent fee sa nasabing show para sa isang season. Kumpleto na ang talent fee niya.

Patuloy ng aming source, “Kailangan niyang gawin ‘yun dahil marami siyang obligasyong kailangang bayaran sa mga pinagkakautangan niya. Para matahimik na ang loob niya, e, in-advance na nga niya ang suweldo niya sa show.

“Pero hindi naman pang-thirteen weeks ang in-advance niya, kalahati lang, para meron pa rin siyang asahang suweldo para naman sa family niya. kalahati lang ang kinuha niya,” madiing sabi ng aming impormante.

Hiling ng marami na sana’y magtagumpay ang programang pinangungunahan ng male personality-TV host dahil kawawa naman ang producer nito at ng iba pang mga shows na kasabayan ng kanilang programa.

Sabi ng aming source, “Sana nga, e, magtagal pa sila, maganda naman kasi ang show nila at marami silang natutulungan. Kakaiba ang atake nila, in fairness.

“Ang umiikot kasing balita ngayon, e, dalawang shows na kasabayan nila ang wala na. Ang isa, e, ‘yung musical variety show na once a week lang. Sayang, may mga sikat pa namang personalities na kasama sa show.

SM SuperKidsDay Banner Ad

“’Yung isa naman, e, ‘yung show na sandamakmak ang mga artistang kasali, nag-shoot pa sila sa isang sikat na resort, di ba? Sana nga, e, magtagal pa ang show na pinangungunahan ng male personality-TV host, humaba pa sana ang show nila,” umaasang pagtatapos ng aming impormante.

Alden iniyakan sa dinanas na hirap

Lalong napamahal si Alden Richards sa publiko sa nakaraang episode ng Eat… Bulaga. Kasama ang Pambansang Bae sa mga pesonalidad na naglahad ng kuwento tungkol sa mga dinanas nilang hirap bago naabot ang kasikatan sa Bawal Judgmental.

Binalikan ni Alden ang mahabang panahon ng kanyang pag-o-audition para sa TV commercial. Kailangan niyang gawin ‘yun dahil nang pumanaw ang pinakamamahal niyang ina ay napilitang magretiro ang kanyang ama para makuha ang sampung libong ipinagpalibing nila sa kanyang mommy.

“Sa akin na nanggaling na kailangan kong gumawa ng paraan para makatulong ako sa pamilya namin. Alam na alam ko pa hanggang ngayon ang ruta namin sa audition.

“Tricycle palabas ng subdivision, jeep papuntang Pacita, bus naman para sa pagluwas. Mahirap po dahil pati pamasahe, problema rin. Probinsiyano ako, kaya pagdating sa audition, matindi ang insecurity ko dahil luma ang suot kong t-shirt,” kuwento ni Alden.

Ang kanyang Mama Ten ang kasama niya sa audition, ganu’n na nga kalawak at kahaba ang kanilang samahan, hanggang ngayon ay matibay pa rin ang kanilang pagkakaibigan.

Sabi ng anak-anakan naming nakatutok kay Alden, “Iyak ako nang iyak habang nagkukuwento siya, lalo na nu’ng sabihin niyang ‘Mahirap lang kasi kami,’ sobrang iniyakan ko ang part na ‘yun na nangingilid din ang luha ni Alden.”

Pero nang ngitian naman ng kapalaran ang pagsisipag at pagsisikap ng Pambansang Bae ay heto na siya ngayon. Isa na siya sa pinakasikat na artista, nakapagpundar na ng mga ari-arian para sa kanyang pamilya, wala na siyang mahihiling pa.

Mabuti kasi ang kanyang puso, walang kayabang-yabang sa katawan si Alden Richards, kaya siya niyakap ng ating mga kababayan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.