Abante Tonite Interactive

Male TV personality P20 ang ipinapamudmod

333

tonite-no-thanks-cristy-ferminPuro hagalpakan ang maririnig mula sa isang umpukan. Apiran nang apiran ang magkakagrupo. Napapanahon ang kanilang kuwento dahil katatapos lang ng Pasko.

Ang kanilang paksa ay isang guwapong male TV personality. Sa ilang taon na nilang nakakasama sa trabaho ang lalaking personalidad ng telebisyon ay hindi pa rin siya pinagbabago ng panahon.

Malaki naman ang kanyang suweldo, mayaman ang pinagmulan niyang pamilya, yayamanin din ang kanyang napangasawa. Ano ba kasi ang nakakatawa tungkol sa guwapong male TV personality?

Sabi ng isang miron sa umpukan, “Wala, naalala lang namin siya. Mula kasi nu’ng nakasama na namin siya sa linya ng trabaho niya hanggang ngayon, e, very consistent siya!

“Wala siyang ipinagbago, ‘yun pa rin siya, kapag dumarating na ang Pasko, e, nag-iikot siya sa departamento namin para mamahagi ng aginaldo niya.

“Hugot siya nang hugot mula sa bundle ng hawak niyang pera. Malutong ang money, nagte-table hopping siya, bigay dito, bigay du’n!

“Isang bundle ng tig-twenty pesos ang hawak niya, huhugot siya ng isa, ibibigay niya sa staff niya. Pati sa mga editors, tig-twenty pesos ang aginaldo mula sa kanya.

“Taun-taon, ganu’n siya, malutong na tig-twenty pesos ang iniaabot niya. Very consistent talaga siya,” humahalakhak na kuwento ng unang source.
Nu’ng nakaraang taon daw ay may dagdag na ang beinte pesos na ipi­namamahagi ng male TV personality. May kasama nang isang pi­raso ng tsokolate ‘yun.

Sabi ng ikalawang source, “May hawak siyang isang bundle ng twenty pesos, tapos, kipkip din niya ang isang supot ng chocolate. Kaya isang piraso ng twenty pesos ang ibinibigay niya, saka isang piraso ng chocolate na!
“Hindi na nila kasama ngayon ang male TV personality, nasa isang departamento na siya ng gobyerno ngayon, pero sure ang mga dati niyang katrabaho na ganu’n pa rin siya hanggang ngayon.

“Du’n naman siya nagpapaandar ng gimik niya every Christmas, o baka naman forty pesos na ang aginaldo niya ngayon, dahil may posisyon na siya sa ating pamahalaan!” humahagalpak pa ring kuwento ng aming source.
***

Kris nahihiyang maging pasyente ng dyowa

May mga tagahanga si Kris Aquino na nagwi-wish na sana, sa pagpasok ng 2019 ay magkaroon na siya ng mamahalin na magmamahal din sa kanya, para kumpleto na araw ang kanyang buhay at kaligayahan.

Pagkatapos nilang maghiwalay ni James Yap ay si Mayor Herbert Bautista ang pinakamaingay niyang nakarelasyon. Pero maligalig ang kanilang samahan, minsang okey sila, mas madalas na hindi.

Nasa kanya na nga naman ang lahat, wala na siyang mahihiling pa, usapin na lang ng puso ang kailangang punuan dahil ilang taon na siyang walang lovelife.

May mga nagpaparamdam, pero hindi pa nga siguro panahon para makipagrelasyon si Kris, marami pa siyang inaayos sa kanyang buhay na nangangailangan ng atensiyon.

Kailangang-kailangan muna niyang tiyakin na maayos na ang kanyang pisikal na kundisyon. Nahihiya naman siyempre si Kris na ang magiging karelasyon niya pala ay magiging doktor o nurse lang niya sa pag-aalaga sa kanya.

At naniniwala kami na kahit ayaw pa niyang makipagrelasyon, kapag dumating na ang tamang tao na magmamahal sa kanya, ay wala nang magagawa pa si Kris.

Isa lang naman ang kanyang hinahanap. Isang lalaking hindi lang siya ang mamahalin kundi pati ang kanyang mga anak na sina Josh at Bimby.
Darating ‘yun. Sa tamang panahon.