Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maliliit na negosyanteng Antipolenyo, libre sa buwis

0 60

Sa kabila ng pinagdaanang kalamidad, tuloy pa rin ang Antipolo City government sa pagtulong sa nasasakupan partikular na sa mga may maliliit na negosyo.

Ito ay sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tax relief ng lunsod sa mga negosyanteng nagmamay-ari ng mga sari-sari stores, parlor o barber shop, talyer, vulcanizing shops, karinderia, computer shops, bakeries, at iba pa na mga small and medium enterprises o SME’s.

“Marami po tayong pinagdaanan ngayong 2020 na dulot ng iba’t ibang kalamidad. Kahit ubos na at wala ng pumapasok na pondo sa pamahalaang lungsod ngayong panahon ng pandemya, ginagawa po natin ang lahat para makatulong, tulad ng pagkakaroon ng tax relief para sa ating mga kababayan,” pahayag ni Antipolo City Mayor Andrea `Andeng’ Ynares.

Pero nilinaw ng alkalde na para sa mga existing na negosyo, hindi na kailangang magbayad ng business taxes at ibang regulatory fees sa 2021 kung ang gross sales o kabuuang kita sa buong 2020 ay P200,000 pababa. “Walang babayaran ngunit kailangan mag-apply for renewal ng business permit,” sabi ni Mayora Ynares.

Sa mga kukuha naman ng New Business Permit, walang ipapataw na taxes at fees sa mga bagong mag-a-apply pa lamang.

“Gustuhin man po natin, hindi po kasama dito ang barangay clearance at fire regulatory fees ng Bureau of Fire Protection (BFP) dahil sa mga umiiral na batas ng bansa, at hindi sa batas ng Antipolo,” sinabi pa ng alkalde.

Sa mga katanungan maaring tumawag sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) 86894535 / bplo@antipolo.ph; Treasurer’s Office 86894523 citytreasurerofantipolo@yahoo.com / treasurer@antipolo.ph.

Leave A Reply

Your email address will not be published.