Abante Tonite Interactive

Maliliko kaya ang katotohanan?

279

Nag-aabang na ang sambayanang Pilipino sa ilalabas na desisyon ng Korte Suprema sa hinirit na recount ng natalong vice presidential candidate na si Bongbong Marcos. Mangingibabaw kaya ang katotohanan o mangingibabaw ang impluwensya ng pamil­yang naghari-harian ng mahigit dalawampung taon sa Pilipinas?

Maugong ang balita na pinipilit ng ­kampo ni Marcos na ­brasuhin ang mga ­mahistrado para ituloy ang ­protesta kahit pa kitang-kita sa nagiging takbo ng ­recount na totoong ­natalo siya sa ­nagdaang halalan.

Pagkatapos ng eleksyon noong 2016, hindi matanggap ng pamilya Marcos na talo ang kanilang manok na si Bongbong at tinalo lamang ito ng isang Leni Robredo. Hindi matanggap ng mga Marcos na hindi na nila kayang diktahan ang mga Pilipino.

Agad tumakbo sa korte si Bongbong para kuwestyunin ang ­resulta ng halalan matapos iproklama ­bilang Bise Presidente si Robredo. Binigyan naman siya ng ­pagkakataon ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na patunayang dinaya siya at pinagbigyan ang recount sa tatlong probinsya na siya ang mismong pumili.

At matapos ang mga buwan ng recount sa tatlong probinsya kung saan ipinagsisigawan ni Bongbong na ­dinaya siya ay lalo pang ­lumaki ang ­lamang ni Robredo. Pero sa halip na itigil na ang bilangan dahil malinaw na wala talaga itong basehan ay ayaw pa ring isuko ni Bongbong ang laban.

Patuloy na pinasisingaw ng kampo ng mga Marcos na panalo sa recount si Bongbong. Mind conditioning gamit ang social media.

Mahigit apat na dekada na ang nakalilipas mula nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Martial Law at ­isailalim ang buong bansa sa diktadurya niyang ­kapangyarihan pero heto ang kanyang anak at sinusubukan na naman tayong diktahan. Sinusubukang iliko ang katotohanan.

Napatalsik na ­natin ang diktador na ama. Nakapag-move on na tayo. Pero ang anak ng diktador ay hindi pa nakaka-move on. Papayag ba tayong manaig ang kagustuhan ng isang Marcos? Alalahanin natin ang kasabihang: ‘Kung ano ang puno, siya ang bunga!’