Abante Tonite Interactive

Maling solusyon

By
1,700

Mainit ang naging eksena sa kamara nuong nakaraang linggo. Yan ay nang humarap sa kamara ang mga opisyales ng MRT line 3 sa pagdinig ng committee on transportation kaugnay ng rail projects ng gobyerno.

Tinanong ni Speaker Pantaleon Alvarez si MRT GM Rodolfo Garcia kung ano na ang mga hakbang na kanilang ginagawa kaugnay ng kalbaryong dinaranas ng mga pasahero araw-araw.

Merong kalahating milyong pasahero ang MRT kada araw. Hindi lang ako tiyak kung hanggang ngayon ay ganitong karami pa rin ang bilang ng mga pasaherong napagsisilbihan ng MRT, matapos unti-unting mabawasan ang mga bagon na umaandar.

Dispalinghado ang sagot ni Garcia matapos niyang sabihin na pinauubra nila ang mga bagon na sinuplay ng dalian locomotive.

Hindi nagustuhan ni Speaker Alvarez ang sagot ng punong tagapangasiwa ng MRT dahil napatunayan na sa pag-aaral na hindi uubra ang mga bagon ng dalian dahil hindi ito akma sa kasalukuyang railway system.

Napag alamang masyadong mabigat ang mga bagon at hindi kakayanin ng kasalukuyang riles.

Sa puntong ito, nasigawan ni Alvarez si Garcia matapos niyang sabihin na kinabitan na ng signaling system ang apat sa mga bagon ng dalian.

Sumagot naman ng sigaw si Garcia at sinabing handa siyang magbitiw kung hindi nila mapapaubra ang mga bagon.

Marami nang mga insidente ng pambabastos ng resource persons ang kamara. Marami nang mga insidente ng panghihiya lalo na mula kay Speaker Alvarez. Pero marami ang nakikisimpatiya at nakitaan ng katwiran ang naging asal ni alvarez.

Anila, ang naging asal ni Alvarez ay repleksiyon ng kabiguan ng mga pasahero sa MRT na lubha nilang inaasahan.

Hindi natin pupuwedeng sisihin ang kasalukuyang pamunuan ng MRT. Si Garcia, at mga nauna sa kanya ay hirap hanapan ng solusyon ang kalbaryo ng mga pasahero ng MRT 3.

Ang problema rito ay namana lamang nila sa nakalipas na administrasyon.

Ang aquino administration ay bumili ng mga bagon na hindi akma sa kasalukuyang railway system.

Marapat na panagutin ang mga responsable sa kontratang ito.

Ang pakiusap lang natin sa kasalukuyang pamunuan ay gawing tama ang mga susunod nilang hakbang at huwag nang dagdagan pa ang kasalanan ng nakaraan. Ang pilit na pagpapaubra ng mga bagon ng dalian ay maglalagay sa peligro sa mga pasahero.

Ang pinakamarapat na hakbang na gawin ay isauli ang mga bagon, hilingin na ito’y palitan ng tamang mga bagon at hingan ng refund ang dalian sa kalahating bilyong pisong paunang bayad sa kanila ng pamahalaan. Ito lamang ang tanging daan marapat na tahakin ng kasalukuyang pamunuan ng DOTr…