Abante Tonite Interactive

Malinis at malayang puso sa harap ng Panginoon!

By
543

Pagkakaroon ng mas malalim at personal na ugnayan sa Panginoon ang tema ng mga pagbasa ngayong Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon.

Pinapaalalahanan ang tanan na anumang batas ng Salita ng Diyos na narinig ay kailangang isabuhay. Sa Ebanghelyo binibigyang-diin ni HesuKristo ang tunay na kahulugan ng pagiging malinis sa harapan ng Diyos (Cfr. Mc 7:1-8, 14-15, 21-23)

Paanyaya ng Simbahan ngayong Linggo sa lahat ng mananampalataya na hilingin sa Ama na padalisayin ang ating mga puso upang maging tapat ang ating pananampalataya at katanggap-tanggap sa Kanya ang ating pagsamba. Hinihikayat ang lahat na mas pagtuunan ng pansin ang ‘kalooban’ sapagkat nababasa at mas pinahahalagahan ng Diyos ang laman ng ating puso kaysa anumang panlabas na ritwal.

Nanatiling hamon sa lahat ng Kristiyano ang turo ni Hesus na huwag lamang pagtuunan ang mga panlabas na kilos o bagay, kundi siyasa­ting mabuti ang ating mga puso sa pagharap sa Kanya. Sa buhay espirituwal, nagkakaroon lamang kasi ng angkop at akmang kabuluhan ang mga ritwal at batas na sinusunod kung ang mga ito’y nag mumula sa tunay na pagmamahal sa Poon.

Para kay Hesus ang tunay na kalinisan sa harap ng Diyos ay nakaugat sa kalinisan ng kalooban. Tahasang binanggit ng Panginoon sa Ebanghelyo na ang tunay na nagpaparumi sa tao sa paningin ng Diyos ay hindi ang pumapasok sa kanyang bibig kundi ang nilalaman at nagmumula sa kanyang puso. Mas mahalaga sa Panginoon samakatuwid kung ano ang nasa ating dibdib kesa laman ng ating tiyan!

Paalala ng Simbahan, huwag sana daw nating malimutan na ang Diyos lamang ang may karapatang humatol sa mga bagay na hindi nakikita ng mga mata. Maari daw tayong makapandaya sa harap ng ating kapwa; ngunit ang pagkukuwaring malinis sa harap ng Diyos ay hindi natin kailanman magagawa sapagkat walang anumang bagay na pinakatatago ang hindi lantad sa kanya.

Hamon, samakatuwid, para sa ating lahat ang pagbabalik-loob at paglapit sa Panginoon nang buong pagpapakumbaba matapos siyasatin ang kalooban sa katotohanan; sapagkat batid natin, sa kaibuturan ng ating puso na hindi lamang ang mga Pariseo, kundi tayo rin ay kinakaila­ngang maging matimtiman at totoo.

Malaking gantimpalang pampalubag-loob ang matanto na alam ng Diyos at nakikita kung ano talaga ang nasa puso ng bawat isa sa atin. Sa huli, kailangan lamang na­ting patuloy na hilingin ang Kanyang unawa at habag; dahil, sa totoo lang, lahat naman tayo talaga ay makasalan – mga ‘ipokrito’ in one way or another.

Para sa Iglesia, hangga’t naniniwala tayo na mayroon ngang mas higit pa sa atin, may pag-asa pa rin ang mga palalong tulad natin! Hamon sa lahat ng mga tapat na Kristiyano sa araw na ito na buong pusong lumapit sa Diyos at tanggapin na batid ng Panginoon ang tanang bagay; sapagkat sa gitna ng ating mga pagkukunwari sa buhay at pagbabalat-kayo, tiwala pa rin ang Poon sa ating pagmamahal at pagpapahalaga sa Kanya!